5 teams mag-uunahan sa panalo
MANILA, Philippines - Limang koponan ang maghahangad na makapasok sa win column sa pagbabalik aksyon ng Shakey’s V-League Season 7 ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang University of St. La Salle Bacolod nga ay magbubukas ng kanilang kampanya sa ligang inorganisa ng Sports Vision at inihandog ng PLDT MyDSL at suportado ng Shakey’s Pizza.
Kalaban ng Lady Archers ang FEU sa pangalawa sa tatlong laro na katatampukan din ng pagtatangka ng UST na maipagpatuloy ang paghawak sa solo liderato sa torneong nilahukan ng 10 koponan at binigyan din ng ayuda ng Mikasa, Accel at Mighty Bond.
Ang Lady Tigresses na hanap ang ikatlong sunod na titulo ay mapapalaban sa South Western University sa huling laro dakong alas-6 ng gabi.
Unang tagisan ay sa pagitan ng Adamson at St. Benilde ganap na alas-2 ng hapon at ang dalawang magtutuos ay asam na makabangon matapos mabigo sa unang asignatura.
Mahalaga ang bawat laro dahil single round robin lamang ang magaganap sa eliminasyon at ang mangungulelat na koponan sa magkabilang dibisyon ay tuluyang mamamaalam sa torneo.
Ang La Salle-Bacolod ay mapapalaban nang husto dahil ang Lady Tamaraws ay dinurog naman ng UST sa straight sets, 25-9, 25-13, 25-13, sa unang laro.
Ang magandang panimula ngang ito ng tropa ni coach Shaq de los Santos ang naglalagay sa koponan na patok kontra sa Lady Cobras na kahit kumuha ng Thai import ay nadapa pa rin sa kamay ng NCAA champion San Sebastian College, 17-25, 16-25, 17-25.
Hindi pa naman kontento si De los Santos sa ipinakita ng kanyang bataan at naniniwala itong may ilalabas pa.
- Latest
- Trending