MANILA, Philippines - Sinandalan ng Lyceum ang husay ng Thai import na si Porntrip Santrong para makuha ng koponan ang 19-25, 25-21, 25-17, 25-21, panalo laban sa Adamson sa pangalawang araw ng Shakey’s V-League kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ipinamalas ni Santrong na dating kasapi ng national team ng Thailand ang kanyang husay sa net game nang makapagtala ng 24 sa kabuuang 26 puntos sa kills para makuha ng Lady Pirates ang kanilang unang panalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision, iprinisinta ng PLDT MyDsl at suportado ng Shakey’s Pizza.
Ang init ng paglalaro ng 23-anyos na Thai import ay nakahawa sa ibang kakampi nang sina Dahlia Cruz, Joy Cases at Nica Guliman ay nag-ambag ng 14, 10 at 9 na puntos upang ang Lady Pirates ay makabangon sa first set na kabiguan at makuha ang tagumpay sa labanang tumagal ng isang oras at 41 minuto.
Suportado rin ng Accel, Mikasa at Mighty Bond, sinikap din ng Lady Falcons na makapagbigay ng magandang laban at tila makakahabol nga sila sa fourth set nang bumangon buhat sa 23-16 pagkakalubog tungo sa 23-21, nang maghatag ng limang puntos ang koponan mula sa pagbibida ni dating MVP Nene Bautista.
Ngunit hindi napigil ng depensa ng Adamson ang atake ni Cruz habang isang service error naman ang ginawa ni Syvie Artates para maipagkaloob sa Lyceum ang tagumpay.
Diniskaril naman ng na San Sebastian College ang magandang debut ng Southwestern University matapos na iposte ang 25-17,25-16, 25-17 panalo sa ikalawang sagupaan.