Palicte tumiyak ng tanso sa bigating China Open
MANILA, Philippines - Si bantamweight Aston Francis Palicte ang nakagawa ng impresibong panalo sa hanay ng mga Filipino boxers sa China Open sa Guiyang, Guizhou Province, China.
Pinigil ng 19-anyos na si Palicte si Cho Cheng Yu ng Hong Kong sa 1:37 ng 3rd round matapos umiskor ang Filipino pug ng apat sa second at isa sa third round.
Kinuha ni Palicte ang 21-4 lamang kontra kay Yu.
Ang naturang panalo ang tumiyak kay Palicte ng bronze medal matapos ang pag-entra ni Laos Southeast Asian Games gold winner Charly Suarez sa quarterfinals galing sa kanyang 9-5 paggulpi kay Chaman Weesap ng Syria.
Isa pang bronze medal ang siniguro ni light flyweight Gerson Nietes mula sa kanyang bye at makakaharap si Idyaz Sulay-Minov ng Kazakhstan sa semifinals.
Nakatakda namang lumaban ngayon sina Suarez, Rey Saludar at Wilfredo Lopez sa naturang AIBA-ranking event.
Makakatapat ni Saludar, sumuntok ng bronze medal sa 2009 SEA Games, si 2008 Olympic light flyweight champion Zou Shimming ng China sa 51kg preliminary round.
Makakasabayan naman ni Lopez si Mutaz Don Duk ng Jordan sa welterweight quarterfinal match.
“May warning agad ngayon sa boxer kapag takbo nang takbo. Kung sasabay si Zou may tsansa si Rey kasi may lakas talaga iyong suntok ng bata. Isa pa, hindi na ganun kabilis si Zou,” ani coach Nolito Velasco sa 28-anyos na si Zou.
Hangad naman ni Suarez ang silver medal sa pakikipaglaban kay European circuit veteran Dmitry Polyansky ng Russia sa quarterfinals.
Ang beteranong si Polyansky ay nag-uwi ng silver medal sa AIBA President’s Cup noong 2009 sa Baku, Azerbaijan.
- Latest
- Trending