Upset nalusutan ni Patrombon sa Japan netfest
MANILA, Philippines - Nalusutan ni Jesson Patrombon ang upset na hatid ng mga manlalaro ng Japan nang manalo sa mahirap na laban kontra kay qualifier Yohei Ono sa idinadaos na Dunlop Japan Open Junior Championships second round boys singles na nilalaro sa sand courts sa Nagoya, Japan.
Pinalad na mag-bye sa first round matapos italaga bilang fifth seed sa kanyang 69th ITF ranking, si Patrombon ay nagpakita ng tibay ng loob at husay ng paglalaro upang kunin ang 7-6 (4), 7-6 (12), panalo sa labang tumagal ng mahigit na tatlong oras.
Ang panalo ay nagresulta upang makaabante na si Patrombon sa round of 16 at makakaharap si Adam Lee ng New Zealand para makapasok sa quarterfinals.
Isang semifinalist sa ITF Grade I event sa Thailand at Malaysia, si Patrombon ay nabigo naman sa kanyang kampanya sa Mitsubishi Lancer International Junior Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Center nang matalo sa unang laban kontra kay James Duckworth ng Australia.
Si Duckworth ang lumabas na kampeon sa nasabing kompetisyon.
Noong Linggo ay dumating na si Patrombon kasama si coach Manny Tecson sa Japan para magamayan na ang court na di gaanong nagagamit sa ibang bansa.
“Naka-adjust na si Jesson sa surface. Noong una ay talagang nadudulas siya pero matagal din akong nag-coach sa Japan at alam ko ang technique kaya itinuro ko sa kanya ang tamang balance sa footwork,” wika ni Tecson.
Ang ibang mga seeded players na hindi nakuha ang istilo at nasibak sa labanan ay kinabibilanganan ng top seed na si John Morissey ng Ireland, ang third seed Ben Wagland ng Australia, fourth seed Bowen Ouyang ng China, sixth seed Andrew Whittington ng Australia.
Hanap ni Patrombon na makapasok sa semifinals sa kompetisyong ito upang mapagtibay ang hangaring makahabol sa Top 50 na maiimbitahan na makalaro sa 1st Youth Olympic Games sa Singapore. (ATan)
- Latest
- Trending