Mula sa Boxing ring hanggang Sarangani
MANILA, Philippines - Mula sa boxing ring hanggang sa lansangan ng Sarangani.
Magpapadala ng kani-kanilang mga kinatawan sa Pilipinas ang ilang pangunahing media outlets sa United States para tutukan ang ginagawang kampanya ni Manny Pacquiao.
Kabilang sa mga kokober sa pangangampanya ni “Pacman” sa Mindanao ay ang bigating 60 Minutes, Associated Press at Los Angeles Times.
Matapos ang matagumpay na pagdedepensa sa kanyang World Boxing Organization (WBO) weltertweight crown laban kay Joshua Clottey ng Ghana noong Marso 14 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas, agad na sumabak sa kampanya si Pacquiao. Hangad ng 31-anyos na tubong General Santos City na masungkit ang isang Congressional seat sa Sarangani.
Makakasagupa ng Filipino world seven-division champion si businessman Roy Chiongbian na ang pamilya ay maituturing nang ‘dynasty’ sa Sarangani. Tatlong campaign sorties ang ginawa ni Pacquiao sa Sarangani makaraang bumaik sa bansa tatlong linggo na ang nakararaan.
Sa kanyang unang lusong sa pulitika, natalo si Pacquiao kay incumbent. Rep. Darlene Custodio-Antonino para sa first district ng South Cotabato noong 2007.
Sa kasalukuyan ay wala pa ring desisyon si Pacquiao kung paninindigan ang inihayag niyang pagreretiro o hihintayin ang kanilang megafight ni Floyd Mayweather, Jr.
Naniniwala sina trainer Freddie Roach at Rex “Wakee’ Salud, adviser ni Pacquiao, na hindi pa magreretiro si “Pacman” dahil sa paghahamon ni Mayweather.
Ang 33-anyos na si Mayweather ang dating kinilalang ‘best pound-for-pound boxer’ bago ito naagaw ni Pacquiao mula sa kanyang mga panalo kina Juan Manuel Marquez, Marco Antonio Barrera, Erik Morales, Oscar Dela Hoya, David Diaz, Ricky Hatton at Miguel Cotto.
- Latest
- Trending