MANILA, Philippines - Katulad ni Filipino adviser Rex “Wakee” Salud, naniniwala rin si American trainer Freddie Roach na hindi basta-basta magreretiro si Manny Pacquiao.
Inamin ng 49-anyos na si Roach na ang paglaban kay Floyd Mayweather, Jr. ang siyang magbibigay sa Filipino world seven-division champion ng dahilan upang ipagpaliban ang kanyang pagreretiro.
“Manny Pacquiao will not be retiring. And he’s very much looking to fight Floyd Mayweather, Jr.,” ani Roach sa panayam ng 8countnews.com.
Nauna nang sinabi ni Salud na ang laban sa 33-anyos na si Mayweather ang siyang magiging ‘graceful exit’ na ng 31-anyos na si Pacquiao, kasalukuyang nasa isang 12-fight winning streak kasama ang walong knockouts.
“The purse will be huge. How can he retire? And aside from the money, the Mayweather fight is the fight that the people will ask for,” ani Salud. “Manny is a boxer, he’s a fighter. If he is called to a fight, he will fight Mayweather.”
Dahil sa ipinilit na Olympic-style drug testing, bumagsak ang negosasyon sa pagitan ng Top Rank at Golden Boy Promotions para sa ikinakasang Pacquiao-Mayweather megafight.
Dinadala ni Pacquiao ang 51-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs kumpara sa 40-0-0 (25 KOs) slate ni Mayweather.
Sa nakaraang panalo ni Pacquiao kay Joshua Clottey ng Ghana, maaaring tumanggap si Pacquiao ng $13 milyon (halos P598 milyon) hanggang $15 milyon (P690 milyon).
Ang Pacquiao-Clottey fight ay humakot ng 700,000 pay-per-view buys at $35.3 milyon sa domestic television revenue, ani Mark Taffet ng HBO PPV.
“We are extremely pleased with the pay-per-view performance of Pacquiao-Clottey. Fights like this traditionally do not exceed 400,000 buys,” ani Taffet. “It is a testament to the popularity of Pacquiao and the vitality of the sport, and it gives us great encouragement as we look toward the May 1 Mayweather-Mosley pay-per-view fight.”
Ang Pacquiao-Clottey bout ay kumolekta ng 350,000 buys mula sa cable homes, 310,000 mula sa satellite homes at 40,000 mula sa telco homes.
Sa nakaraang 12 pay-per-view fights ni Pacquiao, naglista si “Pacman” ng 6.25 milyon na PPV buys katumbas ang $320 milyong kita.
Ang mga ito ay nanggaling sa kanyang laban kina Clottey, Miguel Cotto (1.2 million buys), Ricky Hatton (800,000 buys) at Oscar Dela Hoya (1.25 million buys).
(Russell Cadayona)