MANILA, Philippines - Bagamat hindi siya isang bihasang pulitiko, alam naman ni Filipino Manny Pacquiao ang pagkakaiba nito sa boksing.
Ito ang sinabi kahapon ng world seven-division champion sa kanyang pagdalaw sa Malacañang para sa kanyang pang 16th courtesy call kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
“Huwag nating i-connect ang boxing sa pulitika. Kasi ang boxing para sa karangalan ng buong bayan ang pulitika tungkol naman sa pagseserbisyo sa mga kababayan mo,” ani Pacquiao.
Dumating sa Ninoy Aquino International Airport si Pacquiao at ang asawang si Jinkee mula sa Los Angeles, California at sinalubong ng mga anak na sina Princess, Jimuel at Michael at ang ama-amahang si Lito Atienza.
Matapos ito ay dumiretso ang convoy sa New World Hotel sa Makati para makapagpahinga kasunod ang pagdinig sa isang Thanksgiving Mass sa Quiapo Church.
Nanggaling ang 31-anyos na si Pacquiao sa isang unanimous decision win laban kay Joshua Clottey ng Ghana para sa una niyang pagdedepensa sa suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Makaraan ang naturang tagumpay, pipilitin naman ni Pacquiao na manalo laban kay Roy Choingbian para sa Congressional seat ng Sarangani.
“Gusto ko kasing magserbisyo sa mga kababayan ko dahil sa biyaya na ibinigay sa akin ng Mahal na Panginoon ay makaganti man lang ako sa pamamagitan ng pagtulong,” sabi ng tubong General Santos City.
Natalo si Pacquiao kay incumbent Rep. Darlene Custodio-Antonino para sa Congressional post ng General Santos City noong 2007.
“Sa tingin ko naman malaki ang maitutulong ko. Naging leader ako sa ilang lugar,” ani Pacquiao. “Makikita natin kung sino talaga ang may puso na tumulong. Ang pagtulong ay hindi lang ito pagalingan ng pag-i-english. Ang importante hands-on ka doon. Makatulong ka sa mga kababayan mo.”
Sa kanyang motorcade, nilibot ni Pacquiao ang mga kalsada ng Legarda, Bustillos, Sampaloc Market, S.H. Loyola, Trabaho Market, Plaza Noli, Matimyas, Blumentritt, Dapitan, Lacson, Yuseco, Raxabago, Juan Luna, Pritil, Moriones, R 10, Zaragoza, Delpan, Anda Circle, Cabildo, Victoria, Gen. Luna, Maria Orosa, T. M. Kalaw, Taft Avenue, Pedro Gil, Paco Market at Sta. Ana Market. (RC)