Masasabing ‘long overdue’ ang pagpanhik ni Edmundo”Junel” Baculi sa Philippine Basketball Association bilang head coach.
Kasi nga, noon nasa Philippine Basketball League pa siya at hawak ang Welcoat Paints, si Baculi ang siyang winningest coach. Ilang kampeonato din ang naibigay niya sa Welcoat. Dahil nga sa pagiging dominante ng Welcoat ay naisip itong umakyat sa PBA noong 2000 at kung natuloy iyon ay tiyak na doon nagsimula ang pagiging head coach ni Baculi sa pros.
Sa halip, imbes na matanggap ang Welcoat ay ang Red Bull ang napili ng PBA bilang bagong miyembro nito. So, naiwan ang Paintmasters sa PBL kung saan ipinagpatuloy nito ang pamamayagpag hanggang sa puntong mag-file ito ng leave of absence matapos magsiakyat sa PBA ang mga stars ng team.
Bunga nito’y hinawakan ni Baculi ang Olongapo Volunteers sa huling taon ng Metropolitan Basketball Association..
Nang magbalik ang Welcoat sa PBL bilang Rain Or Shine, hindi na nakasama ng team si Baculi bilang head coach sa halip ay si Leovino Austria na ang kinuha nito. Kasi nga’y committed pa si Baculi sa Olongapo.
Dahil doon, nang umakyat ang Welcoat sa PBA matapos na mabili ang prangkisa ng Shell Velocity, si Austria at hindi si Baculi ang naging head coach ng koponan. At okay din naman iyon dahil mas beterano si Austria kung PBA experience ang pag-uusapan. Hinawakan nito ang Shell bago nag-disband ang Turbo Chargers.
So, nanatili sa amateur ranks si Baculi at kinuhang consultant ng multi-titled Harbour Centre. Bukod dito ay minsan din niyang hinawakan ang Philppine Christian University Dolphins sa National Colegiate Athletic Association. Pagkatapos ay napunta siya sa National University bilang athletic Director.
In between ay hinawakan din niya ang Philippine Team habang tinutulungan ang Harbour Centre. At noong nakaraang Philippine Cup ay nagsilbi siya bilang assistant coach ni Joseller “Yeng” Guiao sa Burger King sa PBA. Yon ang unang pagkakataong nakatuntong siya sa PBA.
Ang buong akala nga ng karamihan ay makukuntento na lang si Baculi sa pagiging assisstant coach. Kasi nga, ipinahiwatig niya sa karamihan ng kaibigang sportswrites na tila ayaw muna niyang maging hed coach. Ito’y lalong lumutang nang mawala si Manny Dandan bilang head coach ng NU Bulldogs at imbes mag-take over si Baculi ay minabuti niyang manatiling athletic director at naghanap ng ibang head coach ang NU.
Pero nang maging sponsor ng Barako Bull si Mikee Romero bago nag-umpisa angFiesta Conference, kinuha ng Coffee Masters si Baculi bilang kapalit ni Leo Isaac na ngayon ay team consultant. Hindi na natanggihan ni Baculi ang panibagong hamon sa kanya.
Hanggang sa nasabi natin, matagal na itong dapat na nangyari kay Baculi. Halos sampung seasons na overdue ang kanyang pagiging head coach sa PBA.
Hindi naman umaasa si Baculi na magiging overnight success ang kanyang head coaching debut sa PBA. Natural na magmamatrikula muna siya.
Pero alam ng lahat ang kanyang kalibre. Hindi niya tatanggapin ang head coaching job ng Barako Bull kung hindi siya handa para dito!