WIBA minimumweight belt itataya ni Abaniel vs Thai boxer
MANILA, Philippines - Nakatakdang idepensa ni Filipina world champion Gretchen Abaniel ang kanyang suot na Women’s International Boxing Association (WIBA) minimumweight crown laban kay Fahpratan Looksaikongoin ng Thailand sa “Fury at the Tent” sa 10th Gabriel “Flash” Elorde Boxing Memorial Awards sa Marso 25 sa Sofitel Hotel.
Makakasabayan ni Abaniel si Looksaikongoin sa isang 10-round fight, isa sa tatlong events na nakalatag matapos ang annual awards rites na magbibigay ng parangal kay Manny Pacquiao bilang Boxer of the Decade.
Anim pang world champions na naghari noong 2009 ang bibigyan rin ng rekognisyon sa Gabriel “Flash” Elorde Memorial Boxing Awards-Banquet of Champions.
Ito ay pinangangasiwaan ng Elorde Sports Foundation katuwang ang Cobra Energy Drink at ng Johnny Elorde International Management, Inc.
Gugunitain sa okasyon ang pang 25th death at 75th birth anniversary ni Flash Elorde.
Makakasabay rin nito ang ika-50th taon ng kanyang unang world junior lightweight championship noong Marso 16, 1960 patungo sa kanyang dominasyon hanggang 1967.
Sa iba pang laban, magsasagupa naman sina Vinvin Rufino at Adonis Aguelo sa isang 12-rounder para sa Philippine featherweight championship at ang banggaan nina Erickson Origenes at Joan de Guia at para sa Luzproba super featherweight belt.
Dalawang apo ni Elorde na sina Juan Miguel “Mig” Elorde at Juan Martin ‘Bai” Elorde ang haharap kina Anthony Balubar at Thai Kan Hamonkol, ayon sa pagkakasunod.
- Latest
- Trending