MANILA, Philippines - Mula sa Los Angeles, California, nakatakdang dumating sa bansa ngayong alas-5 ng madaling-araw si Filipino world seven-division champion Manny Pacquiao.
Buhat sa PAL Centennial airport, magtutungo si Pacquiao, kasama ang asawang si Jinkee, sa New World Hotel sa Makati para magpahinga at magpaunlak ng ilang interview.
Inaasahang bubuksan ng media ang muling pagsabak ni Pacquiao sa pulitika.
Puntirya ng tubong General Santos City ang isang Congressional seat sa Sarangani kung saan niya makakalaban si Roy Chiongbian matapos matalo kay incumbent Rep. Darlene Custodio-Antonino noong 2007.
Ilalahad rin ni Pacquiao ang kanyang plano para sa kanyang susunod na laban.
Nanggaling si Pacquiao sa isang unanimous decision win kay Joshua Clottey ng Ghana para sa una niyang pagdedepensa sa suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Matapos ang panayam sa New World Hotel, bibisita naman ang grupo ni “Pacman” kay Manila mayoral candidate Lito Atienza sa San Andres kasunod ang pagdadasal sa Quiapo Church para sa isang Thanksgiving Mass.
Muling makakasama ni Pacquiao sa Malacañang si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo para sa isang courtesy call kasunod ang isang motorcade sa ilang kalsada sa Maynila.
Dadaan ang tropa ni Pacquiao sa mga kalye ng Legarda, Bustillos, Sampaloc Market, S.H. Loyola, Trabaho Market, Plaza Noli, Matimyas, Blumentritt, Dapitan, Lacson, Yuseco, Raxabago, Juan Luna, Pritil, Moriones, R 10, Zaragoza, Delpan , Anda Circle, Cabildo , Victoria, Gen. Luna, Maria Orosa, T.M. Kalaw, Taft Avenue, Pedro Gil, Paco Market at Sta. Ana Market.
Kinabukasan ay uuwi naman sina Pacquiao at Jinkee sa Sarangani upang simulan na ang pangangampanya. (Russell Cadayona)