MANILA, Philippines - Tatangkain ng bisitang Southwestern University ng Cebu na makagawa ng ingay sa kanilang pagsabak sa 7th Shakey’s V-League na hahataw sa Abril sa The Arena sa San Juan.
Para magawa ito, humugot ang Southwestern ng isang Thai reinforcement sa katauhan ni Piyatada Lasungnern na makakatuwang nina power-hitters Danika Yolanda Gendrauli at Rafril Aguilar.
Si Lasungnern ay isang national team mainstay ng Thailand na lumahok sa nakaraang Asian Youth Girls Volleyball Tournament at sa World Youth Volleyball Championships.
“The team’s strength is on floor defense and service,” wika ni SWU athletic director Ryan Aznar. “And having a guest player and a Thai import will be a big boost in our offense too.”
Makakatapat naman ng Southwestern sa V-League ang mga UAAP teams na Univ. of Santo Tomas, dinomina ang nakaraang dalawang komperensya, Far Eastern University, Ateneo De Manila University at Adamson University at mga NCAA squads na San Sebastian College at College of St. Benilde.
Ang Southwestern ang nagreyna sa CESAFI (Cebu Schools Athletic Foundation, Inc.).
Maliban sa Southwestern, ang iba pang provincial teams na naanyayahan sa torneo ay ang University of St. La Salle-Bacolod at dating three-time/CESAFI champions University of San Jose-Recoletos.
“I believe we have the materials to fill mix it up with these teams. But we also want to have our players gain experience and confidence in playing in the V-League,” sabi ni Aznar.
Sa format, ang 10 koponan ay hahatiin sa dalawang grupo na maglalaro sa isang one-round robin elims kung saan ang top four squads mula sa magkabilang grupo ay papasok sa quarterfinals. Ang Last 8 ay muling hahatiin sa dalawang grupo para sa isang single round na pagmumulan ng top two teams para sa crossover semis na magdedetermina sa magtatagpo para sa best-of-three championship series.