Fighting Maroons sinelyuhan ang No.1 spot at twice-to-beat
MANILA, Philippines - Dumiretso sa kanilang pang limang sunod na panalo, tuluyan nang inangkin ng mga Fighting Maroons ang No. 1 seat sa Final Four.
Tinalo ng Pharex B Complex ang Excelroof, 74-68, upang sikwatin ang ‘twice-to-beat’ incentive sa semfiinal round ng 2010 PBL PG Flex Erase Placenta Cup kahapon sa The Arena sa San Juan.
Isinara ng Fighting Maroons ang elimination round bitbit ang 6-1 kartada kasabay ng pagpigil sa three-game winning streak ng 25ers.
Tumipa si Woody Co ng 14 puntos at 7 rebounds para pangunahan ang Pharex kasunod ang 12 marka ni Mark Lopez bukod pa ang 6 boards, 3 assists at 3 shot blocks.
“Balewala lang ang pagiging No. 1 team namin if we won’t win the championship,” sabi ni head coach Aboy Castro sa Fighting Maroons.
Ipinoste ng Pharex ang isang 19-point lead, 23-4, sa second period hanggang maagaw ng Excelroof ang unahan, 37-34, sa 4:17 ng third period mula sa pagbibida ni Jimbo Aquino.
“Excelroof is a great team, they have a championship experience and I expect to play them again somewhere down the road,” sabi ni Castro sa 25ers ni mentor Ato Agustin.
Nanguna naman sina Lopez at 6-foot-4 Vic Manuel upang muling ilayo ang Pharex sa 66-53 kasunod ang inihulog na 10-0 bomba ng Excelroof, kasama rito ang isang three-point shot ni Pamboy Raymundo para makadikit sa 63-66 sa 1:31 ng fourth quarter.
Huling naghamon ang 25ers sa 67-69 agwat sa natitirang 21.6 segundo galing kina Marc Agustin at Ian Sangalang kasunod ang dalawang freethrows ni Lopez buhat sa foul ni Adrian Celada para sa 71-67 abante ng Fighting Maroons.
Ang Cobra Energy Drink ang makakaagaw ng Excelroof para sa ikalawa at huling ‘twice-to-beat’ incentive mula sa magkatulad nilang 4-2 rekord.
Pharex 74 - Co 14, Lopez 12, Arao 11, Adolfo 10, Manuel 8, David 6, Braganza 5, Reyes E. 4, Tecson 4, Reyes M. 0, Hipolito 0, Maniego 0, Astorga 0.
Excelroof 68) - Raymundo 17, Aquino 16, Celada 13, Sangalang 8, Agustin 4, Abueva 2, Bagatsing 2, Bulawan 2, Mendoza 2, Taylor 2, Delgado 0, Pascual 0, Suguitan 0.
Quarterscores: 14-4; 29-24; 49-49; 74-68.
- Latest
- Trending