MANILA, Philippines - Para matigil na ang isyu, personal na humingi ng ‘public apology’ si international singer Arnel Pineda sa National Historical Institute (NHI) dahil sa kanyang bersyon ng “Lupang Hinirang” sa laban ni Manny Pacquiao kay Joshua Clottey noong Linggo sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Sa kabila nito, ipinaglaban pa rin ni Pineda, bokalista ng bandang Journey, ang kanyang ‘artistic freedom’.
“I apologize for my dissatisfactory performance dun sa fight ni Pacquiao and Clottey sa Dallas, Texas, according to their standards. What can I do? I’m just doing my job... but then again hindi ako hihingi ng sorry kasi artistic freedom ko yon. It doesn’t make me less of a Filipino dahil sa nabago ang pagkakanta,” ani Pineda sa panayam ng abs-cbnNEWS.com.
Kagaya ng mga nakaraang singers na nahilingan ni Pacquiao na kumanta sa kanyang laban, muling kinondena ng NHI ang pagkanta ni Pineda sa national anthem.
Nagbanta si NHI Heraldry Section chief Teddy Atienza na magsasampa ng demanda laban kay Pineda kung hindi ito mag-iisyu ng public apology.
“Ano ba ang bago? Iyong traditional na pagkanta ng ‘Lupang Hinirang’ ang gusto nilang marinig. On my part, I’m just doing my artistic freedom. I was there as Filipino representing Pacquiao and the Philippines. Iyon ang importante,” ani Pineda.
Sinabi ni Atienza na pinabagal ni Pineda ang kanyang pagkanta ng national anthem imbes na sa orihinal nitong march tempo bukod pa ang pagbirit nito sa huli.
“Alam ko naman na nag-flat ako kasi ang parte na ‘yon na nagsimula ng magsigawan ang tao. Wala akong ear monitor. Hindi ko na marinig ang sarili ko noong pumapasok ako doon sa line na ‘lupa ng araw ng luwalhati’t pagsinta.’ Sumisigaw na sila, highlight ng melody ng kanta ‘yon sa unti-unti hindi ko naririnig,” sabi nito.
Sa Republic Act (RA) 8491. RA 8491, ang sinumang tao na lalabag sa probisyon nito ay papatawan ng humigit-kumulang sa P20,000 multa o halos isang taon na pagkakakulong.
Tinuligsa rin ni Atienza ang isinuot ni Pineda na ‘cowboy-inspired polo’ at hindi ang isang tradisyunal na Barong Tagalog.
Ang nasabing modernong modern Barong Tagalog na isinuot ni Pineda ay gawa ni Filipino fashion designer Ariel Agasang.
Si Pineda ang ikalawang Filipino male singer na kumanta ng national anthem sa laban ni Pacquiao matapos si Martin Nievera noong Mayo sa kanyang laban kay Ricky Hatton sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ang mga Filipino female singers naman na nagbigay ng kanilang mga bersyon ay sina Karylle, Lani Misalucha, Sarah Geronimo, Ciara Sotto, Geneva Cruz at Kyla.