Mapangalagaan ang respetong nakuha sa Texas, nagpapainit kay Pacman para manalo kay Clottey
MANILA, Philippines - Kung may isang bagay na nagdadagdag init sa hangarin ni Manny Pacquiao na manalo laban kay Joshua Clottey, ito’y ang mapangalagaan niya ang respeto na nakuha sa mga mahihilig sa boxing na mula Texas.
May pitong titulo sa pitong magkakaibang dibisyon ngayon, hindi pa rin malimot ni Pacquiao ang nangyari noong 2003 nang unang tumapak sa Texas na siyang nakatulong upang maging tanyag ito sa pagbo-boxing sa buong mundo.
Buwan ng Nobyembre taong 2003 ay sinagupa ni Pacquiao ang maalamat at sikat pang si Marco Antonio Barrera at kahit dehado ay kanyang tinalo ito nang umayaw ang kampo ng Mexicano sa pagsapit ng 11th round.
“Dito sa Texas ako unang sumubok na umukit ng aking pangalan sa larangang aking ginagalawan ngayon. Dito nagsimula ang aking pangarap, pangarap na natupad sa pagdaan ng taon, hanggang sa ako’y tanghalin nang Pound for Pound king,” wika ni Pacquiao sa kanyang column.
Dahil nga rito, hindi hahayaan ni Pacquiao na madungisan ang mataas na pagtingin sa kanya ng mga tao lalo na ang mga tubong Texas kaya’t ang mga sabi-sabing walang panalo si Clottey ay hindi niya inilalagay sa kanyang isipan.
“Wala sa aking isipan na maging over confident sa laban, dahil naniniwala akong may kakayahan ang aking kalaban na magbato ng suntok at iba pang estratehiya sa laban para ako’y talunin. Hangga’t hindi itinataas ang aking kamay na simbolo ng aking tagumpay, hindi ako nakakasiguro sa laban,” wika nito.
Sa halip ay puspusan ang ginawa niyang pagsasanay katuwang ang trainer na si Freddie Roach para matiyak na nasa pinakamagandang kondisyon ang kanyang pangangatawan sa pagharap sa hamon ng kondisyong ding kalaban na tubong Ghana.
“At sa aking muling pagdayo dito sa Texas, sisikapin kong maipakitang muli sa buong mundo ang paghahandang aking ginawa, katuwang ang mga miyembro ng training camp ng Team Pacquiao, sa pangunguna ni coach Freddie (Roach).
“Upang muli nating maiuwi sa pagbabalik sa Pilipinas ang tagumpay, hindi lamang ng inyong lingkod kungdi maging ng ating buong bayan,” may kumpiyasang pahayag pa ni Pacquiao.
Sina Pacquiao at Clottey ay nagharap sa press conference kahapon at bagamat parehong nagpahayag ng mga pananalitang may pag-respeto sa isa’t isa, ang tema nito ay tiyak na magbabago kapag dumating na ang araw ng sagupaan sa Linggo. (LMConstantino)
- Latest
- Trending