HOLLYWOOD --Tahimik siyang nanood sa isang sulok at pinanood ang bawat galaw ni Manny Pacquiao sa ibabaw ng boxing ring.
At nang ito ay matapos, bago lumabas ng Wild Card Gym ay personal na pinuntahan ni Julio Cesar Chavez Jr. ang Filipino boxer na itinuturing niyang ‘pound-for-pound’ champion.
“I think Manny is a great boxer. He has the talent and he’s the best of the best in the world right now,” wika ng 24-anyos na anak ng maalamat na si boxing champion Julio Cesar Chavez Sr.
Dinalaw ni Chavez, may matayog na 42-0-0 win-loss draw ring record, si Pacquiao upang obserbahan ang ginagawa nitong paghahanda para sa kanyang laban kay Joshua Clottey ng Ghana sa Marso 14 (Manila time) sa Cowboys Stadium sa Arlington,Texas.
Kasama ang isang kaibigan, napansin ni Chavez na tila hindi napapagod sa kanyang halos dalawang oras na ensayo ang 31-anyos na si Pacquiao.
“He’s just enjoying it. Look at him,” ani Chavez, ang undefeated light-middleweight champion, sa kanyang kasamang kaibigan.
Sa panayam ng ilang Pinoy scribes, ibinigay ni Chavez ang kanyang opinyon ukol sa upakan nina Pacquiao at Clottey, sinasabing mas matatag pa kay Miguel Cotto.
“It’s gonna be a hard fight because Clottey is a good fighter, too. But I think Manny is gonna win the fight by decision,” wika ni Chavez sa pambato ng Ghana.
Si Chavez, mas mataas at mas mabigat kay Pacquiao, ay isang potensyal na makakabangga ni “Pacman” sakaling umakyat ang Filipino boxing icon sa light middleweight class.
Ngunit tinawanan lamang ni Chavez ang posibilidad na magkrus ang kanilang mga landas ni Pacquiao. “I don’t know yet. I don’t know,” wika nito. “Maybe one day.”