Sonsona pipiliting makuha ang world title vs Vasquez
MANILA, Philippines - Matapos mahubaran ng korona noong Nobyembre 20 dahil sa pagiging overweight, muling pipilitin ni ‘Marvelous’ Marvin Sonsona na maging isang world boxing champion.
Nakatakdang pag-agawan ngayon nina Sonsona at Wilfredo Vasquez, Jr. ng Puerto Rico ang bakanteng (WBO) super bantamweight title sa Coliseo Rubén Rodríguez sa Bayamón, Puerto Rico.
Ang nasabing WBO super bantamweight belt naman ay binakante ni Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico.
Tinalo ng 19-anyos na si Sonsona ang 34-anyos na si Jose “Carita” Lopez ng via unanimous decision para agawin sa Puerto Rican ang suot nitong WBO super flyweight crown noong Setyembre 5 sa Ontario, Canada.
Bunga ng pagiging overweight, tinanggalan ng WBO si Sonsona ng hawak nitong super flyweight title bago ang kanya sanang title defense kay Mexican Alejandro Hernandez noong Nobyembre 20.
“At this weight I feel great; stronger and my punch is stronger, too,” ani Sonsona. “I think I have everything to beat Vasquez and I have much more experience than him.”
Ibinabandera ni Sonsona ang kanyang 14-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs, habang bitbit ng 22-anyos na si Vasquez ang 17-0-1 (14 KOs) slate.
Sa kanilang weigh-in, tumimbang ang tubong General Santos City na si Sonsona ng 121.4 pounds, habang nagtala naman ng bigat na 122 si Vasquez. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending