Hindi natin alam kung ganun pa rin ang naging game plan ng Alaska Milk kontra Purefoods Tender Juicy Giants kagabi sa Game Two ng kanilang best-of-seven series para sa kampeonato ng KFC PBA Philippine Cup.
Ang tinutukoy namin ay ang sorpresang paglalagay sa point guard na si LA Tenorio bilang defender ng leading scorer ng Giants na si James Yap.
Kahit paano’y naging matagumpay ang strategy na ito sa unang bahagi ng Game One dahil sa napuwersa ni Tenorio si Yap sa tatlong offensive fouls at anim na turnovers. Pero nang makapag-adjust na si Yap at natulungan siya ng kanyang mga kakampi ay nabalewala na ang depensa ni Tenorio. Nagtapos pa rin si Yap nang may game-high 24 puntos.
Sa totoo lang, masyadong mahirap ang ibinigay na misyon ni coach Tim Cone kay Tenorio sa Game One. Sobra-sobrang effort ang kinailangang ibuhos ni Tenorio kay Yap. At dahil dito, kahit paano ay nag-suffer ang kanyang opensa.
Sa larong iyon ay gumawa lang si Tenorio ng walong puntos bukod sa dalawang rebounds, apat na assists at isang steal sa loob ng 34 minuto.
Pero hindi naman nagrereklamo si Tenorio. Kahit ano ang ipagawa sa kanya ni Cone ay pipilitin niya itong gawin. Mahirap nga lang para sa Aces na umasang ganoon pa rin kaganda ang numerong isusumite ni Tenorio sa laro.
Tao lang naman siya, e.
Subalit hindi maitatatwang tila ito ang “breakout season” ni Tenorio.
Pinatutunayan niya na isa siya sa pinakamahusay na point guards sa liga. Puwede pa ngang sabihin na siya ang No. 1 point guard ng PBA sa ngayon at umusbong na nang husto ang kanyang career.
Kaya nga kahit paano’y may mga nagulat nang hindi makita ang pangalan ni Tenorio sa listahan ng mga contenders para sa Best Player of the Conference award. Kasi nga’y hindi siya nakabilang sa top five. Kinapos siya at nasa ikaanim na puwesto siya sa listahan ng mga top statistical point-getters ng torneo.
Ang kanyang mga kakamping sina Willie Miller at Joe Calvin DeVance ay kabilang sa Top Five so ang dalawang ito lang ang Aces na puwedeng pagbobotohan para sa Best Player of the Conference.
Sa dalawang ito, natural na mas angat si Miller. Pero siguro, kung sa halip na si DeVance ay si Tenorio ang nakabilang sa mga pagpilian, baka sakaling puwede pa’ng makasilat si Tenorio. Kasi nga, sa buong conference, sina Miller at Tenorio ang talagang nakapagbigay ng magandang impact sa kampanya ng Aces at natimo sa isipan ng mga fans.
Well, medyo kinapos lang ng statistical points si Tenorio kaya nawalan siya ng tsansa para sa Best Player of the Conference award.
Pero kung magpapatuloy ang galing ni Tenorio hanggang sa Fiesta Conference, aba’y hindi malayong siya ang umokupa sa point guard spot sa Mythical Five ng 35th PBA season!