MANILA, Philippines - Hindi pinahintulutan ni Eduardo Buenavista na maipagpatuloy ng mga Kenyan runners ang pagdodomina sa mga local races nang mangibabaw ito sa Century Tuna Superbods Run 2010 kahapon sa Global City, Taguig.
Ang karerang nilahukan ni Buenavista ay sa 21K distansya at nakaharap nga niya sina Willy Tanui at Willy Rotich ng Kenya ngunit nasa pinakamagandang kondisyon ang pambatong runner ng bansa para makapagdomina mula sa simula hanggang natapos ang karera.
“Kondisyon ako dahil tune-up ko ang karerang ito para sa pagsali ko sa Hong Kong Standard Marathon next week. Kaya mula sa simula ay ako ang nagdikta ng pacing at hanggang natapos ay ako ang nangunguna,” ani Buenavista na naorasan ng 1:08:18.
Tinalo niya si Tanui na mayroong 1:10:13 na mas mabilis lamang ng limang segundo sa kababayang si Rotich (1:10:18).
Ang panalo ni Buenavista ay nagkahalaga ng P42,000 habang nakontento ang dalawang Kenyans sa P21,000 at P10,500 gantimpala.
Si Maricel Maquilan naman ang nagdomina sa kababaihan nang talunin sina Nhea Ann Barcena at Aileen Tolentino sa naitalang 1:28:29 tiyempo.
Sina national athletes Rene Herrera at Mercedita Manipol-Fetalvero ay nagpasikat din nang kanilang walisin ang 10K titles.
Si Herrera ay naorasan ng 35:49 upang talunin sina Alquin Bolivar (35:55) at Cristabel Indapan (36:16) habang si Fetalvero ay nagsumite ng tiyempong 40:20 upang hiyain sina Ellen Tolentino (40:25) at Janet Lumibao (40:40).
Nanalo naman si Gerald Sabal (16:08) kina Jujet De Asis (16:30) at Ben Alejandrino (16:32) sa 5K men habang si Serenata Saluan (27:13) ang nagkampeon sa kababaihan matapos daigin sina Merlyn Lumagbas (27:17) at Corazon Salcedo (27:20). Sina Roger Genolo at Christine Delfin naman ang nagdomina sa 3-K races. (Angeline Tan)