MANILA, Philippines - Ang kanilang mga leading scorer muli ang nanguna para sa Excelroof at Cobra Energy Drink para sa kanilang pagsasalo sa liderato.
Umiskor si Jimbo Aquino ng 17 puntos para sa 83-59 paglampaso ng 25ers sa ANI-FCA Cultivators, habang tumipa naman si Paul Lee ng 24 marka upang igiya ang Ironmen sa dramatikong 78-77 paglusot sa Pharex B Complex Fighting Maroons sa elimination round ng 2010 PBL PG Flex-Erase Placenta Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Kapwa may 2-0 kartada ngayon ang Excelroof ni Ato Agustin at ang Cobra ni Lawrence Chongson.
Sinamantala ng 25ers ang mahinang 16 percent shooting ng Cultivators sa first half para ilista ang isang 20-point lead sa halftime papunta sa 63-38 kalamangan sa third quarter.
Mula rito ay hindi na nilingon pa ng Excelroof, nakakolekta ng 10 marka kay Chester Taylor, ang ANI-FCA na may 0-2 rekord ngayon.
Tanging si JR Sena ang nagtala ng double figure para sa Cultivators sa likod ng kanyang game-high 24 produksyon.
“Siguro nag-e-enjoy lang sa paglalaro ‘yung mga bata, kaya maganda ang resulta ng mga laro namin dito sa PBL,” ani Agustin sa 25ers, binubuo ng ilang Stags ng five-time NCAA champions San Sebastian College-Recoletos.
Sa unang laro, bumawi naman ang Ironmen buhat sa isang 10-point deficit, 58-68, sa unahan ng fourth quarter para talunin ang Fighting Maroons at sundan ang kanilang 81-77 paggupo sa AddMix Transformers noong Huwebes.
Isang mahalagang agaw kasunod ang breakaway layup ni Lee sa natitirang 10.7 segundo ang nagbigay sa Cobra ng panalo laban sa Pharex.
“Wala pa kaming cohesion. All-Star team ito eh,” ani Chongson sa Ironmen. “Hindi pa kami nagkakaamuyan but I still have a bunch of good guys. This is a short tournament and every game counts.”
Nagdagdag si Lee ng 11 rebounds, 4 assists at 2 steals para sa Cobra, habang may 19, 15 at 12 puntos sina Parri Llagas, Patrick Cabahug at Jai Reyes, ayon sa pagkakasunod.
Muling pinamunuan ni Vic Manuel ang Fighting Maroons sa kanyang 15 marka. (RC)
Cobra 78 -- Lee 24, Llagas 19, Cabahug 15, Reyes 12, Barua 2, Aguilar 2, Fampulme 2, Hayes 2, Mangahas 0, Sarangay 0.
Pharex 77 -- Manuel 15, Arao 11, Tecson 9, Reyes 9, Sison 9, Adolfo 8, Lopez 6, Braganza 4, Hipolito 4, Co 2, Tirona 0.
Quarterscores: 23-15; 43-44; 55-60; 78-77.
Excelroof 83--Aquino 17, Taylor 10, Agustin 8, Abueva 8, Bagatsing 8, Del Rio 5, Delgado 4, Bulawan 4, Sangalang 4, Suguitan 4, Mendoza 3, Celada 3.
ANI-FCA 59 -- Sena 24, Acosta 9, Luanzon 7, Custodio 5, Lee 3, Matias 3, Pascual N. 3, Gelasque 2, Cagoco 2, Flores 1, Sevilla 0.
Quarterscores: 14-5; 39-19; 63-38; 83-59.