MANILA, Philippines - Bumigay ang tikas ng paglalaro ng Team Philippines upang lasapin ang 1-4 kabiguan sa Great Britain sa finals ng 1st World Team Pool Cup Championship na idinaos sa Hannover, Germany.
Nasayang ang magandang panimula ng Pambansang koponan na binuo nina Dennis Orcullo at Warren Kiamco nang talunin sina Karl Boyes at Daryl Peach sa unang 8-ball Scotch doubles, 6-1, nang matalo ang manlalarong inilaban sa sumunod na tatlong laro.
Sina Ronnie Alcano at Marlon Manalo ay yumuko kina Darren Appleton at Mark Gray sa ikalawang 8-ball doubles, 6-1; si Antonio Lining ay natalo kay Gray, 8-2, at si Lee Vann Corteza ay nasilat ni Boyes, 8-7, sa dalawang 9-ball events; bago tinapos ni Darren Appleton ang labanan sa 7-1 tagumpay kay Orcullo sa 10-ball.
Naglaro pa sina Alcano at Peach at lamang pa nga ang dating double world champion na Pinoy cue artist, 2-1, pero hindi na ito itinuloy nang maunang natapos ang laro nina Appleton at Orcullo.
Krusyal na laro ang nangyari kina Corteza at Boyes at nagawa ngang lumamang pa ang Filipino cue artist sa 7-6.
Ngunit nawala kay Corteza ang momentum nang matigil ang laban sa loob ng isang oras upang maidaos ang isang palabas. Nang manumbalik ang aksyon ay si Boyes na ang nakapagdomina upang bigyan ng 3-1 kalamangan ang British team.
Sa laro nina Appleton at Orcullo ay naipakita ng una kung bakit siya ang hinirang na kauna-unahang kampeon sa World 10-ball na ginawa sa Pilipinas tatlong taon na ang nakalipas nang magpakita ng suwabeng tumbok para sa dominanteng pagtatapos.
Dahil dito, ang Great Britain na bumangon mula sa one-loss bracket nang talunin ang Israel, ay nakopo ang $100,000 first prize habang ang Pilipinas na hindi natalo sa naunang yugto ng labanan ay nakontento sa $50,000 premyo.
Si World Pool Association (WPA) president Ian Anderson ang siyang naggawad ng magarang tropeo sa Great Britain.
Ang Greece at Russia na natalo sa Great Britain at Pilipinas sa semifinals ay nagkaroon din ng pabuyang umabot sa $30.000.