WIJK AAN ZEE, Netherlands--Matapos matalo sa solo leader sa 11th round, nakipagkasundo naman si Filipino Grand Master Wesley So kay GM David Howell ng England sa isang draw.
Naitulak sa draw ang naturang laban nina So at Howell sa 20 moves ng French Tarrasch sa 12th round ng 72nd Corus chess tournament dito sa De Moriaan Community Centre.
Si So ay may 7.0 points ngayon sa ilalim ng nangungunang si GM Anish Giri ng the Netherlands (8.5), top seed GM Arkadij Naiditsch ng Germany (7.5), GM Ni Hua ng China (7.5) at GM Erwin l’Ami ng the Netherlands (7.5).
Huling makakalaban ni So ang nag-iisang female participant na si IM Anna Muzychuk ng Slovenia.
Ang 19-anyos na si Muzychuk, pambato ng Lviv, Ukraine at naging isang Slovenian citizen noong 2004, ang tanging tumalo kay Giri sa naturang two-week long competition.
Ang 16-anyos na si So ay nanggaling sa kabiguan kay Giri sa 11th round.
Matapos ang depensa ni So, nakakita naman ng pagkakataon si Howell, naglaro sa board three para sa England sa 2008 World Chess Olympiad sa Dresden, Germany, para mapuwersa sa draw ang kanilang laban.
Kapwa may hawak na queen, dalawang rooks, isang bishop, isang knight at anim na pawns sina So at Howell papunta sa draw.