Williams sisters kampeon sa doubles
MELBOURNE, Australia--Naisubi ng magkapatid na Venus at Serena Williams ang kanilang ikaapat na Australian Open women’s doubles title matapos na talunin ang tambalang Cara Black at Liezel Huber, 6-4, 6-3 sa Rod Laver Arena.
Binasag ng mga Williams ang serbisyo ni Huber upang buksan ang second set at tuluyan ng ipanalo ang laban nang muli nilang mapigil ang serbisyo ni Huber sa bisa ng reflex volley ni Serena.
At matapos ang laban, nag-high-five ang magkapatid sa isang bahagi ng court.
Unang pagkakataon na pinagwagian ng magkapatid na Williams ang Australian Open title sa doubles event noong 2001 at sinundan ito noong 2003 at ng nakaraang taon, habang nanalo naman sina Black na isang Zimbabwe at Huber na isang South African-born American citizen noong 2007.
- Latest
- Trending