So makikipagpigaan ng utak kay GM Sutovsky

WIJK AAN ZEE, Netherlands - Isa na namang ma­bigat na kalaban ang makakaharap ni Filipino Grandmaster Wesley So.

Makakatagpo ng 16-anyos na si So si fifth seed GM Emil Sutovsky ng Israel sa mahalagang ninth round ng 72nd Corus chess tournament sa De Moriaan Community Centre.

Si Sutovsky ang isa sa huling limang woodpu­shers na may mataas na ranggo sa naturang 13-round Group B tournament.

Ang mga susunod na makakasagupa ni So ay sina seventh seed GM Tomi Nyback ng Finland sa 10th round, GM Anish Giri ng the Netherlands sa 11th round,   GM David Howell ng England sa 12th round at IM Anna Muzychuk ng Slovenia sa final round.

Tangan ni Giri, magiging 16-anyos sa Huwebes, ang 6.5 points, habang 5.0 points naman si So.

Bago harapin si Sutovsky, sumulong muna ng draw si So kina top seed GM Arkadij Naiditsch ng Ger­many, GM Erwin l’Ami ng Netherlands, Varuzhan Akobian ng United States, GM Parimarjan Negi ng India at GM Pentala Harikrishna.

Matapos ang limang draw, winalis naman ni So ang kanyang mga laro kina second seed GM Liviu-Dieter Nisipeanu ng Romania sa 6th round at No. 13 seed GM Dimitri Reinderman ng Netherlands sa 7th round.

Show comments