Williams sisters, Federer sa 4th round
MELBOURNE, Australia--Inilapit ni Serena Williams ang kanyang kampanya para sa matagumpay na pagdepensa ng hawak na Australian Open title at nagawa rin niyang maipaghiganti ang naging kabiguan ng kanyang kapatid na Venus sa mga kamay ni Carla Suarez Navarro matapos dispatsahin ito sa iskor na 6-0, 6-3 nitong Sabado.
Noong nakaraang taon, ginapi ni Suarez Navarro si Venus Williams sa second round at nakarating ito sa quarterfinals. At sa pagkakataong ito, hindi man lamang nakaporma ang Spaniard, at ang magkapatid na Williams ay nananatiling nasa kontensyon para sa kanilang semifinal meeting matapos na patalsikin naman ni Venus ang hometown bet na si Casey Dellacqua, 6-1, 7-6 (4), na kanyang tinapos sa pagtira ng ace sa kanyang ikaapat na match point.
Bahagyang nahirapan lamang si Serena sa pagtiklop sa first set kung saan kinailangan niya ng walong set points sa game na napunta sa deuce ng 13 beses na mas matagal sa kanyang naunang pinagsamang limang games.
Makakasagupa ng No. 1 na si Serena ang local bet na si Sam Stosur na nagtala ng 6-4, 6-1 panalo laban sa Italyanang si Alberta Brianti.
Makakalaban naman ni Venus ang No. 17 na si Francesca Schiavone ng Italy na ginapi ang No.10 na si Agnieszka Radwanska, 6-2, 6-2.
Itinakda naman ng No. 7 na si Victoria Garbin ang kanyang fourth-round match kontra sa No. 9 na si Vera Zvonareva ng Russia na tinalo si Gisela Dulko ng Argentina, 6-1, 7-5.
Samantala, magaang namang sinibak ng No. 1-ranked na si Roger Federer ang No. 31 na si Albert Montanes ng Spain, 6-3, 6-4, 6-4.
Ito ang ika-50th panalo ng 28-anyos Swiss star sa Melbourne kung saan kumulekta siya ng tatlo mula sa kanyang record na 15 Grand Slam singles titles.
Pinalawig naman ni Nikolay Davydenlko, ang inaasahang magiging kalaban ni Federer sa quarterfinals, ang kanyang impresibong pagpapanalo matapos na iposte ang 6-0, 6-3, 6-4 panalo laban sa No. 30 na si Juan Monaco ng Argentina.
- Latest
- Trending