Laban ni Nietes vs Mexican 'di na title fight
MANILA, Philippines - Bukod sa tatlong beses na pagpapalit ng kanyang makakalaban, hindi rin itinuring ng World Boxing Organization (WBO) na isang title defense ang laban ni minimumweight champion Donnie “Ahas” Nietes.
Sa halip na pang apat na sunod na pagtatanggol sa kanyang WBO minimumweight crown, sasagupain ni Nietes si Mexican Jesus Silvestre sa isang non-title, 10-round bout sa Enero 23 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa kabila nito, nangako pa rin ang 27-anyos na tubong Murcia, Negros Occidental na ibibigay niya ang lahat para talunin si Silvestre.
“One hundred percent na po tayong ready para sa laban na ito,” wika ni Nietes kahapon sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s U.N. Avenue Branch na itinaguyod ng Outlast Battery, PAGCOR, Shakey’s at Accel.
Tangan ni Nietes ang 25-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, habang dala naman ni Silvestre ang 15-1-0 (12 KOs) slate.
Matagumpay na naidepensa ni Nietes ang kanyang WBO minimumweight title matapos talunin si Mexican challenger Manuel Vargas via majority decision noong Setyembre sa Mexico City.
Si Silvestre naman ang ikatlong pinagpilian ng kampo ni Nietes matapos mangayaw ang mga kababayan nitong sina Ivan Meneses at Sammy Gutierrez.
Matapos si Silvestre, puntirya naman ni Nietes ang isang unification title fight laban kay World Boxing Council (WBC) champion Oleydong Sithsamerchai ng Thailand.
“Iyon ang isa sa mga gusto ko sanang mangyari bago ako umakyat ng timbang,” ani Nietes sa 24-anyos na si Sithsamerchai, may 33-0-0 (12 KOS) card, na umiskor ng isang majority decision kay Juan Palacios ng Nicaragua noong Nobyembre 28 para sa kanyang ikatlong title defense.
Ang main event sa Nietes-Silvestre 10-rounder ay ang pagtatanggol ni Brian “The Hawaiian Punch” Viloria ng kanyang hawak na International Boxing Federation (IBF) light flyweight belt laban kay Colombian challenger Carlos Tamara. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending