Pacquiao, Fighter of the Year ng BoxingScene.com
MANILA, Philippines - Sa kabila ng hindi magandang pagbibintang kay Manny Pacquiao, hindi ito naging sagabal upang muli nitong maangkin ang karangalang Fighter of the Year na iginagawad ng BoxingScene.com.
Muling inukit ni Pacquiao ang kanyang pangalan sa karangalan makaraan ang dalawang sunod na tagumpay sa taon--una kay Ricky Hatton noong Mayo at ikalawa naman ay laban kay Miguel Cotto noong Nobyembre.
At batay sa botohan mula sa mga boxing fans, tanging ang Pinoy ring icon lamang ang humakot ng 88.5 percent at wala pang boksingero ang nakakakuha nito ng higit sa 8.5 percent. At ang tatlo pang boxer na humakot ng boto ay sina Vitali Klitschko, Andre Ward at Timothy Bradley.
Sa isinagawang poll ng Ring Magazine, walang kaduda-duda na si Pacquiao pa rin ang pinakamahusay na boksingero ng taon.
Ilan sa mga dahilan ng pagpili sa kanya ay ang spectacular knockouts sa kasaysayan nang pabagsakin nito ang sinasabing higit na mas malakas sa kanya na si Ricky Hatton sa isang matinding kaliwa sa baba noong Mayo 5 sa Las Vegas.
“That triggered the comparisons to Henry Armstrong, who once held the featherweight, lightweight and welterweight titles simultaneously. Pacquiao seemed to fit that mold, a little man who moved up in weight and destroyed capable bigger men,” wika ng manunulat na si Michael Rosenthal.
Muling nagawa ito ni Pacquiao.
Noong Nov. 14, muli sa Las Vegas, nilabanan nito ang malakas at mabilis na beteranong si Miguel Cotto.
Ngunit kaiba sa laban niya kay Hatton, umabot ng 12 rounds ang kanyang pakikipaglaban kay Cotto kung saan umiskor ito ng knockout.
At dahil sa tagumpay na ito ni Pacquiao kay Cotto, nagsulat ng kasaysayan ang Pinoy ring icon nang mapagwagian nito ang isa na namang major title sa ikapitong weight division.
Ang karangalan bi-lang Fighter of the Year ay ikatlo ni Pacquiao sa BoxingScene sa huling apat na taon.
“The old phrase ‘third time’s a charm’ isn’t exactly applicable here, as it’s normally reserved for those who’ve twice fallen short of a particular goal before getting it right on the third try. For Manny Pacquiao, the third Fighter of the Year honor stands above his previous two because 2009 was about making history,” pahayag ng BoxingScene.com. (Dina Marie Villena)
- Latest
- Trending