MANILA, Philippines - Nakatakdang ihayag bukas ng Top Rank Promotions ni Bob Arum ang “Latin Fury 13/Pinoy Power 3” na magaganap sa Pebrero 13 sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada.
Itatampok sa naturang four-bout pay-per-view broadcast sina Nonito "The Filipino Flash" Donaire, Jr., Gerry "Fearless" Peñalosa, Ciso "Kid Terrible" Morales at Bernabe "The Real Deal" Concepcion.
Itataya ni Donaire, nagdadala ng 22-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, ang kanyang suot na World Boxing Association (WBA) interim super flyweight crown laban kay Mexican challenger Gerson Guerrero (34-8-0, 26 KOs).
Si Armenian Vic "The Raging Bull" Darchinyan ang kasalukuyang WBA at World Boxing Council (WBC) super flyweight titlist.
Maglalaban naman sina Peñalosa (54-7-2, 34 KOs) at Puerto Rican Eric “Little Hands of Steel” Morel (41-2-0, 21 KOs) para sa isang title eliminator.
Ang mananalo sa pagitan nina Peñalosa at Morel ang siyang hahamon kay World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Fernando "Cochulito" Montiel (39-2-2, 29 KOs) ng Mexico.
Maliban sa WBO bantamweight belt na kanyang inangkin noong 2008, hi-nawakan na rin ng 37-anyos na si Peñalosa ang WBC super flyweight title noong 1997.
Idedepensa ni Montiel ang kanyang hawak na WBO crown laban kay Morales (14-0-0, 8 KOs).
Makakabangga naman ni Concepcion (29-2-1, 17 KOs) si world title challengers Mario Santiago (21-1-1, 14 KOs) para sa isang 10-round featherweight fight. (Russell Cadayona)