KL Dragons 'di pa rin pinalusot ng Patriots

MANILA, Philippines - Kinailangan ng Phi­lip­pine Patriots ng kahu­sayan sa depensa ni No­noy Baclao at clutch three-point shot mula kay Warren Ybanez sa endgame upang muling igupo ang Kuala Lumpur Dragons, 76-70, sa 1st ASEAN Basketball League (ABL) Championship sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Matapos ‘di makalaro sa 95-70 pagkatalo sa Brunei Barracudas noong Linggo para tu­lungan ang Ateneo, ipinaramdan ni 6-foot-4 Baclao ang kanyang pre­sensiya nang sirain ng Patriots ang opensa ng Dragons matapos kumana ng side jumper na nagbigay sa kanila ng 66-63 kalamangan.

Nagbanta ang Dra­gons sa 66-68 ngunit umiskor ng tres si Yba­nez matapos magmintis sa kanyang unang tat­long pagtatangka na tu­luyang du­miskaril sa Dragons.

Nag-error ang Dra­gons sa kanilang dala­wang sunod na offensi­ve plays para tuluyang isel­yo ng Patriots ang panalo para makabangon sa pagkatalo sa Ba­racudas.

Sa panalong ito ng Patriots, nakakuha ng dou­ble-double performance mula kay Jason Diz­on, ay umangat sa 8-2 record. Kailangan na lamang nilang ipa­nalo ang tatlo sa huling li­mang laro para makopo ang No. 1 seeding sa semis.

Bumawi naman si Bran­don Powell sa kanyang nakakadismayang three-point performance sa nakaraang laro ma­tapos kumamada ng 20 markers para pangunahan ang kanyang koponan. (Mae Balbuena)

Show comments