VIENTIANE--Sa gabing puno ng sayawan at musika na nagtatampok sa mayaman nilang kasaysayan at paglalakbay patungo sa kaunlaran, libu-libong kabataan ang nakipag-isa sa mga delegasyon para sa send off rites ng 25th Southeast Asian Games dito.
Nakipagsaya ang halos bulto ng Philippine contingent sa naturang two-hour celebrations na dinaluhan ng halos 3,000 atleta mula sa host at 10 pang miyembro ng SEA Games.
Nakipagpalitan ang overall champion Thailand ng uniporme at pins sa East Timor matapos ang 10 araw na sports competition.
Pormal nang ipinasa ng Laos sa Indonesia ang SEAG flag para sa kanilang pamamahala sa susunod na biennial event.
Sa kanilang pangangasiwa noong 2007, humakot ang Thailand ng 183 gintong medalya, halos kalahati ng naibulsa ng 10 pang bansa.
Kumolekta ang Vietnam ng 158 gold medals sa kanilang pangangasiwa sa SEA Games noong 2003, samantalang 113 naman ang inangkin ng Pilipinas nang tumayong punung-abala noong 2005 para sa overall crown.
Sa 2009 SEA Games, nag-uwi ang Thailand ng 86 ginto kasunod ang 83 ng Vietnam, 43 ng Indonesia, 40 ng Malaysia at 38 ng Team Philippines.
Halos 70 porsiyento ng mga gold medals ng Thailand at Vietnam ay nanggaling sa paborito nilang martial arts.
Sa boxing event, dinomina ng mga Thais, pinaratangan na nandaya nang makasikwat ng 15 sa kabuuang 16 gintong medalyang nakalatag noong 2007, ang pito sa 10 weight division sa ilalim ng isang Cuban coach.
Nakasingit naman ang Pilipinas ng limang gold medals.
“I am impressed with performance of our boxers,” wika ni boxing president Ricky Vargas. “With our program in place we will be able to fight the Thais head on.”
Kabuuang 14 ginto naman ang kinuha ng Thailand sa athetics at tig-anim sa muay thai at taekwondo bukod pa sa 10 sa shooting, 2 sa tennis at 14 sa swimming.
Ang Vietnam ang namahala sa judo (9), pencak silat (6), wrestling (7) at wushu (7).