2 pang gold sa Pinoy pugs

VIENTIANE,Laos – Tinabunan nina Charly Suarez at Bill Vicera ang kabiguan ni Harry Tanamor upang idagdag ang dalawa pang ginto sa boxing events ng 25th Southeast Asian Games na ginanap sa Olympasia gymnasium sa loob ng National Stadium.

Unang isinalang si Vicera at ipinaramdam ang kanyang matinding hangaring masungkit ang huling gold sa 46 kgs class makaraang igupo ang Laotian na si Sikham, 6-3.

Sinundan naman ito ng impresibong tagumpay ni Suarez na umiskor ng second round knockout sa Cambodian bet na si Phai Sophat para sa gintong medalya sa 57 kg class.

Ngunit higit na masakit ang kabiguang tinamo ng Olympian na si Tanamor na yumuko sa Thai na kalabang si Kaeo Prongprayoon, 3-1 sa 48 kg. finals.

Bagamat nakadalawa ang kalalakihan, at hindi nito napatanyan ang kababaihan na sumuntok ng limang gintong medalya ang boxing team na sapat upang matabunan ang naging kabiguan nila sa Thailand SEA Games kung saan naka-isang gold lamang sila bukod sa 12 silvers at 2 bronze.

Sapat na rin ito para okupahan ng 10-man boxing team ang ikalawang posisyon sa likod ng kampeong Thailand.

 “Masayang-masaya po ako dahil first time ko itong lumaban at manalo ng gold sa SEA Games,” nakangiting wika ng pawisan na si Suarez .

 Katulad ni Suarez, masaya din sa kanyang tagumpay si Vicera, na muntik nang matanggal ang kanyang event sa direktiba ng International Boxing Federation (AIBA), na binawi din sa bisperas ng kanilang laban.

At dahil sa maningning na tagumpay nina Vicera at Suarez, tatanggap ang dalawa ng P600,000 bonus—P300,000 mula sa PSC at P300,000 mula naman Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) chairman Manny V. Pangilinan.

Bukod kina Vicera at Suarez ang tatlo pang gold medalist ay ang mga Pinay na sina Josie Gabuco, Alice Kate Aparri at Annie Albania. (Dina Marie Villena)

Show comments