Padilla pumutok ng gintong medalya
VIENTIANE,Laos-- Kalibre 45!
Sa edad na 45 anyos, ipinakita ni Nathaniel ‘Tac’ ’Padilla ang tatag ng pulso at talas ng mata nang barilin nito ang gintong medalya sa kanyang paboritong 25m rapid fire pistol event ng 25th Southeast Asian Games dito.
Pumutok ng 753.20 puntos si Padilla, matapos ang 20shot finals upang makalayo sa matitinding kalabang Malaysian at Vietnamese.
“Masaya ako sa panalo ko,” wika ni Padilla. “At least may napatunayan ang shooting na hindi ito ang pinakamasamang performance ng shooting team,” naiiyak na wika ni Padilla, na na-pressure sa mga hindi magagandang nabalitaan niya tungkol sa kanila.
Sinabi rin ng multi-titled shooter na sa ngayon ay may –iuuwing ginto na ang shooting team kumpara sa naging performance nila sa 2007 Thailand SEA Games.
Ito rin ang ikalimang SEAG gold ni Padilla sa loob ng 16th performance niya sa Southeast Asian Games.
“Aaminin ko, sa lahat ng SEA Games na napuntahan ko dito ako nakaramdam ng nerbiyos. Iba ang pressure na naramdaman ko dito. Kahapon pa lang nag-iisip na talaga ako, pahayag ni Padilla na ikatlo sa overall matapos ang dalawang yugto sa iskor na 560 points.
Pumangalawa naman ang Malaysian na tumalo sa kanya noong 2007 na si Hasli Izwan Amir na pumutok ng 749.70 puntos, matapos ang shootoff sa pagitan ng Vietnamese na si Pham Cao Son na siyang kumupit ng bronze.
Masayang tinawagan ni Padilla ang kanyang amang si two-time Olympian shooter Tom Ong at ang kanyang anak na babaeng kasama din sa shooting team na si Mica, na agad ding umuwi ng Maynila matapos ang kompetisyon nito dahil sa may pagsusulit pa ito sa kanyang eskuwelahan. (DMVillena)
- Latest
- Trending