MANILA, Philippines - Eeksena ang mga pambato ng probinsiya sa pagsalang ng University of Visayas at University of Cebu kontra sa Mapua at University of the East sa pagpapatuloy ng Philippine Collegiate Champions League ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Bitbit ang dangal na nakamtan sa back to back championship sa CESAFI at PCCL, tinatayang mas nakalalamang ang UV Green Lancers kontra sa nagulelat na Cardinals.
Sa ilalim ng panga-ngasiwa ni coach Boy Cabahug at assistant coach Al Solis bumandera ang Lancers dahil sa di matatawarang trabaho ng 6’ 11” na si Greg Slaughter.
Gayunpaman, haharap ang Webmasters sa isang mapanganib na laban kontra Warriors na pumarada sa nakalipas na UAAP season.
Dahil sa dismayadong pagkasawi sa kamay ng Ateneo Blue Eagles, pagbubuntunan nina shooting guard Paul Lee, forward Elmer Espiritu at center Pari Llagas ang kalaban upang makaresbak.
Upang madiskartehan ang San Beda para sa Final Eight, mag-iipon ng lakas ang Lancers at Cardinals upang masuportahan ang layuning yaon.
Kumayod ng husto, nagawang makarating ng Cardinals sa Champions League proper sa pamamagitan ng zonals ng event na handog ng PLDT, Smart, ABS-CBN, The Philippine STAR at Molten.
Upang makampante sa pwesto, maagap na kinuha na ng Ateneo at Letran ang silya sa Elite Eight makaraang lampasuhin ang Lyceum Pirates at Knights kamakailan.
Magpapatuloy ang torneo sa south sa Lunes sa engwentro ng NCAA champion San Sebastian kontra University of San Carlos at University of Santo Tomas laban sa Jose Rizal U. (Sarie Nerine Francisco)