Burger King ubos sa Tropang Texters
MANILA, Philippines - Sa isang napakalaking come-from-behind win, nagbida si Macmac Cardona sa pagkamada ng conference-high 40-puntos para sa 116-105 pamamayani ng Talk N Text laban sa Burger King sa pagdako ng KFC PBA Philippine Cup sa Ynares Center sa Antipolo kagabi.
Matapos mabaon ng 30-puntos, pinaigting ng Tropang Texters ang kanilang depensa at opensa sa se-cond half upang agawin ang trangko sa ikatlong quarter at tuluyang makalamang sa ikaapat na quarter na kanilang inalagaan tungo sa kanilang ikalawang sunod na panalo at ikaanim sa kabuuang siyam na laro.
Sa isa na namang eks-plosibong laro ni Cardona, nagtala ito ng 15-of 20 field goal shooting, 20 puntos sa second half bukod pa sa 10 rebounds ngunit malaki rin ang naitulong ni Jimmy Alapag sa panalong ito sa kanyang tinapos na 15-puntos bukod pa kina Ali Peek, at Harvey Carey na nagbida sa depensa.
Mainit ang simula ng Burger King na umabante sa 49-19, 9:02 ang oras sa second quarter.
Ngunit nagsimula nang mag-init si Cardona upang maibaba ang kanilang agwat sa 10-puntos sa halftime, 53-63 at pagdating sa ikatlong quarter naagaw nila ang kalamangan sa unang pagkakataon, 79-78 sa free-throws ni Alapag bago tapusin ang naturang yugto na angat na sa 87-84.
Sa non-bearing na first game, iginupo ng guest team na Smart Gilas ang pinakamainit na team nga-yon ng liga na San Miguel, 109-96 para sa kanilang ikatlong panalo matapos ang pitong laro.
Pinangunahan ni Cris Tiu anng national youth pool na nagsasanay para sa mga future international tournaments sa pagkamada ng 24-puntos kasunod si Japeth Aguilar na may 19-puntos at Dylan Ababou na may 18-puntos upang igupo ang second running Beermen na may 7-2 record tampok ang pitong sunod na panalo.
Habang sinusulat ang balitang ito, naglalaban pa ang kulelat na Coca-Cola (1-7) at Ginebra (5-3).
Samantala dadako naman ang aksiyon ngayon sa Surigao City kung saan magsasagupa ang Purefoods (4-4) at Sta. Lucia (5-3).
- Latest
- Trending