UST nagpakatatag: Lady Blazers pinatalsik
MANILA, Philippines - Upang higit na mapatunayan ang kanilang lakas, tuluyan nang dinispatsa ng University of Santo Tomas ang College of St.Benilde sa pamamagitan ng 25-13, 25-16, 26-24 pamamayani at patatagin ang kanilang unang puwesto sa Final Four at patalsikin naman ang Lady Blazers sa karera sa semis ng Shakey’s V-League Season 6 sa The Arena sa San Juan kahapon.
Nagtulung-tulong sa pana-nalasa, pumalo ng 18 hits si Aiza Maizo habang nagdagdag naman ng 12 at 11 puntos sina Angeli Tabaquero at Maruja Banaticla para sa Tigresses na umusad ng dalawang larong abante sa pumapangalawang FEU Lady Tamaraws sa pakikipagbuno sa unahan ng semifinal round.
Tinapatan ni Giza Yumang ang output ni Maizo kabilang na ang 17 atake at nag-ambag naman sina guest player Rossana Fajardo at Zharmaine Velez ng 11 at 8 puntos, ayon sa pagkakasunod. Ngunit ang iba pang Lady Blazers ay nangarag sa pakikipaglaban sa solidong laro ng Tigresses sa unang dalawang set.
Tinangkang makahugot ng laro sa ikatlong set, hindi nakayanan ng St. Benilde ang paghahabol sa 2-16 iskor ng UST para sa 9-1 marka ng ligang hatid ng Shakey’s Pizza.
Namaalam ang Lady Blazers na may nailistang 3-7 baraha.
Namamayagpag sa 20-16 kalamangan, sunud-sunod na kamalian naman ang inilatag ng Lady Blazers habang umiskor si Tabaquero upang isara ang 4-0 na nagtabla sa laban. Nakalayo pa sa 24-23 ang Lady Blazers sa sunud-sunod na palo ni Yumang ngunit nanalasa na si Tabaquero. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending


















