Fernandez nagparamdam sa pagbabalik
MANILA, Philippines - Muling nagpasikat ang nagbabalik na si Maricris Fernandez nang humampas ito ng bumubulusok na hits nang durugin ang qualifier Yoko Naito ng Japan, 6-1, 6-2, kahapon upang umabante sa susunod na round ng $10,000 Holcim/ITF Women’s Circuit Week sa Rizal Memorial Tennis Center.
Ngunit habang pumaparada ang 30 anyos na si Fernandez, kinalawang naman ang galing ng Fil-Am doubles specialist na si Riza Zalameda nang yumuko kay Korean Yoo Mi, 3-6, 1-6, sa isa pang singles encounter para sa torneong handog ng Holcim, PLDT/Smart, Phinma at ITF Grand Slam Development Fund.
Bakas ang kapaguran makaraang umani ng tagumpay sa doubles ng $100,000 ITF tournament noong isang linggo sa Chinese Taipei, natalo ang 23 anyos na si Zalameda subalit nag-aasam na bumalik sa winning track sa susunod na linggo para magpasiklab sa PLDT/Smart Women’s Circuit Week 2 na eeksena sa Nob. 17-21, katuwang si Fernandez sa doubles event .
Ang iba pang mga PInoy na namayagpag sa unang round ng event na suportado ng Tecnifibre Balls at Philippine Sports Commission ay sina former RP No. 1 Czarina Mae Arevalo at ang magkapatid na Patrimonio - Anna Christine at Anna Clarice.
Ngunit bilang preparasyon sa hamon ng 25th Southeast Asian Games sa Dis. 9-18 sa Laos, pupuntiryahin nito ang panalo kontra kay 7th seed Korean Han Sung Hee.
Una nang nadispatsa ni Hee ang kababayang si Kim Jung-Eun, 6-4, 6-4. habang dinaig ni Peanthan Plipiech ng Thailand si Jessica Sabeshinskaja, 6-2, 6-1. ang iba pang nagwagi sa torneo ay sina Gally de Wael ng Belgium , Chinese Taipei’s Juan Ting Fei at No. 5 Chinese Tapei’s Liu Shaozhou. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending