Ateneo umiskor ng panalo
MANILA, Philippines - Bilog ang bola. Ito ang pinatunayan ng Ateneo OraCare makalipas na pataubin ang Adamson at wakasan ang masamang kapalaran nito sa walong laro sa pamamagitan ng 18-25, 11-25, 26-24, 25-22, 15-11 panalo kahapon sa Shakey’s V-League second conference sa Filoil Flying V Arena sa San Juan.
Mabagsik na Lady Eagles ang nagpamalas ng galing nang kaladkarin ang Lady Falcons sa huling pagkakataon makaraan ang 2007 second conference.
“Psychological booster ang panalong ito para sa susunod na makalaban namin uli ang Adamson, magkakaroon na sila ng confidence na kaya namin silang talunin,” pahayag ni Ateneo mentor Clint Malazo.
Lumaban sa pamamagitan ng paglapit sa lumalamang na Eagles, ginapang ng Lady Falcons ang 11-12 sa drop shot ni Jampong Quinlog subalit agad hinarangan ng magkakasunod na hits ni Bea Pascual para kitilin ang pag-asa ng San Marcelino based spikers.
Subalit tuluyan nang winakasan ng Ateneo ang pag-asa ng Adamson nang ma-outside ang hit ni Angela Benting na hinidiagtagumpay na dominahin ang laban.
Bunga ng naturang laban, pumwesto sa ikaapat na posisyon ang Lady Eagles tangan ang 4-3 baraha habang naluklok naman sa No.5 ang Lady Falcons sa 3-4 nitong marka.
Kumana si alumna Charo Soriano ng 15 hits, kabilang ang 4 blocks, habang nagdagdag sina Gretchen Ho at Dzi Gervacio na may tig-12 points para igiya ang Ateneo sa tagumpay.
Para sa Adamson, kumolekta si Pau Soriano ng 22 hits, kabi-lang ang season-high 9 blocks, habang nagdagdag si Benting ng 20 points para ipasok ang koponan sa quarterfinals.
Samantala, sa inisyal na ‘no-bearing’ game, nagrehistro si Joy Cases ng 22 hits habang nag-ambag si Jamie Peña ng 17 hits upang banderahan ang Lyceum sa napatalsik na ring University of the Philippines , 25-13, 25-14, 24-26, 25-18.
Sa naturang laro, nakuha ng Lady Pirates ang una nitong pananaig habang walang naiuwing panalo ang Lady Maroons sa loob ng pitong asignatura.
Dahil sa pagkayod ni Carmela Lopez na nagbigay ng 12 points, naiangat nito ang baraha para sa Lyceum, habang hindi sumapat ang 8 hits produksyon ni Cathy Barcelon para ihakbang ang UP. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending