Aguilar napasagot din ng BK
MANILA, Philippines - Pormal na pipirma ngayon ang kontrobersiyal na top draft pick na si Japeth Aguilar ng isang taong kontrata sa Burger King na nangangahulugang lalaro ito sa opening game ng Whoppers kontra sa Purefoods sa Linggo sa Araneta Coliseum.
At tulad ng ipinahayag ni league Chairman Lito Alvarez, pahihintulutan nilang maglaro si Aguilar sa national youth team na Smart Gilas na maglalarong guest team sa PBA.
Nagkasundo rin ang panig ng Burger King na ayaw mabalewala ang pag-hugot kay Aguilar bilang top draft pick bukod pa sa pagpapakawala ng isang key player na si Arwind Santos sa San Miguel at si Aguilar na ayaw pumirma sa Burger King dahil mas gusto niyang maglaro sa Smart Gilas, matapos ang isang mahabang pagpupulong.
Nagpatawag ng meeting ang Samahang Baskeetbol ng Pilipinas na na-ngangasiwa ng Smart Gilas team, noong Miyerkules para sa magkabilang panig kung saan sumipot si Aguilar kasama ang kanyang tita, kapatid na babae at agent, si Alvarez, Ricky Vargas, ang SBP president, SBP executive director Noli Eala at Pato Gregorio.
Sa pamamagitan ni PLDT-Smart chairman Manny V. Pangilinan, pumayag na rin si Aguilar na pumirma sa Burger King, ang team na kumuha sa kanya bilang No. 1 overall pick sa 2009 PBA Rookie Draft.
At kasalukuyang kumukuha ang koponan ng lisensiya ni Aguilar sa Games and Amusements Board (GAB) habang sinusulat ang balitang ito.
At magkakaroon ng special practice session ang Whoppers sa Reyes Gym ngayong umaga. At pagkatapos pormal na pipirmahan ng dalawang partido ang kontrata na susundan ng press conference. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending





















