Lady Stags nangibabaw sa Letran spikers
MANILA, Philippines - Asintado ang panalo, pinilit kubrahin ng four time champion San Sebastian College ang layuning palawigin ang kampan-ya patungo sa kampeonato nang pabagsakin ang Letran sa pamamagitan ng 25-18, 25-16, 25-17 sa pagpapatuloy ng NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa Emilio Aguinaldo Gym.
Bumida para sa Baste, humakot ng umaatikabong 19 hits si Joy Benito habang pumalo pa ng 12 points, 6 blocks si Melissa Mirasol at 10 hits ambag kay Russel Jalbuna para pagreynahan ng Lady Stags Stags ang naturang laban.
Kumana si rookie Ronerry dela Cruz ng career-high 23 hits habang nagdagdag sina Sandra delos Santos at April Ann Sartin ng 19 at 18 puntos, ayon sa pagkakasunod, nang durugin ng Lady Altas ang Lady Blazers, 25-17, 27-29, 25-19, 25-22, at iposte ang parehong marka na 1-1 baraha.
Para sa aksiyon sa juniors, magkukrus ang landas ng title holder San Sebastian Staglets at Perpetual Help Junior Altas ang kanilang engkwentro matapos dominahin nito ang kani-kanilang laban.
Nanguna para sa Staglets, humataw si reigning MVP PJ Rojas sa pamamagitan ng kanyang 25 points, habang nagdagdag si Harold Nacino ng 14 hits nang ungusan nito ang Angeles University Foundation Junior Danes, 27-25, 25-22, 25-21.
Samantala, sa makapangyarihang kombinasyon nina John Erickson Francisco at Lesandro Diomangay, nakabuo sila ng 33 hits para ikopo ng Junior Altas ang CSB-La Salle Greenhills, 25-10, 25-7, 25-19.
Kapwa mayrong imakuladang baraha, 2-0, magtitipan ang San Sebastian at Perpetual Help sa juniors finals. (SNF)
- Latest
- Trending