Nakakaawa din naman si Mark Barroca ng FEU at natapos ang kanyang paglalaro sa Tamaraws ng may bahid.
Nagdesisyon ang pamunuan ng FEU na huwag nang paglaruin si Barroca hanggang sa kanilang crucial na sudden-death laban sa UE sa Huwebes.
Sa kanilang unang pahayag noong Sabado, sinabi ni Anton Monitnola na bibigyan nila ng disciplinary action si Barroca kaya hindi nila ito pinaglaro sa unang pagtatagpo nila ng Warriors. Pero pagkatapos ng laban kung saan natalo ang Tamaraws at nakahirit naman ng sudden death ang UE, sinabi ni Montinola na hindi na lalaro si Barroca hanggang matapos ang season.
Nakakalungkot na dito nagwakas ang samahan ng FEU at ni Barroca, ang 23 anyos na tubong Zamboanga na napadpad sa Manila upang makapag-aral ng libre sa pamamagitan ng kanyang paglalaro ng basketball.
May magandang kinabukasan si Barroca sa basketball at napatunayan na niya ito nang makabilang siya sa Smart Gilas Team na naglaro sa Jakarta at maging sa kanyang mother team na FEU.
Pero nawasak ang lahat ng magandang kinabukasan na iyon ng dahil lamang sa pagdududa.
Pinagdududahan si Barroca ng ‘game fixing’ dahil sa hindi na-ging magandang performance niya sa huling laro nila bago makuha ang twice-to-beat advantage.
May ilang players akong kaibigan na nagtatanong na “Hindi ba puwedeng magkaroon ng off night ang isang player?” Maski na nga ang dakilang si Michael Jordan ay nagkaroon din ng isang masamang performance sa kanyang career eh,” sabi pa ng kaibigan kong isang player din.
Kaya lang andun na yun. Lumabas na ang ‘game-fixing’ controversial na kahit papaano ay pansamantalang magiging mainit.
Pero unang balita ko, mismong si Barroca na ang tumangging maglaro nang malaman niyang pinagbibintangan siya ng ‘game-fixing’ na ito.
Nademoralize ang bata ng pagbintangan siya.
Gayunpaman, hindi rin naman siguro sapat na dahilan ito para umayaw ka rin sa team na nagbigay sa iyo ng pangalan?
Di kaya mas maganda kung pinatunayan niya ang lahat na hindi totoo ang eskandalong ito sa paglalaro ng maganda para sa team?
O baka naman natatakot din si Barroca na mag ala -Barracael ito na nabaril dahil din sa umano’y game fixing scandal.
Kung anuman ang katotohanan nito, tanging si Barroca lamang ang higit na nakakaalam.
Pansamantala, nagpadala ng mensahe si Barroca sa FEU at buong pusong nagpapasalamat sa lahat ng ginawa ng FEU para sa kanya.
Sinabi ni Barroca na walang Mark Barroca kung hindi siya nakuha ng FEU.
Hiningi niya ang pang-unawa sa management, coach Glenn at mga ka-teammate.
Isa lang ang hiling ni Barroca, na sana ay payagan siya ng FEU na makatapos ng kanyang pag-aaral.
Hindi naman siguro mabigat na kahilingan ito ni Barroca sa FEU.
* * *
May isang nagtatanong lang. Bakit daw laging may naiinvolve na FEU player sa game fixing scandal?