Pacquiao may senaryo na sa kanyang laban

SAN FRANCISCO - May mga senaryo na si Manny Pacquiao para sa kanyang laban kay Miguel Cotto sa Nobyembre 14.

Habang naghihintay para sa 9 na oras na biyahe mula San Juan, Puerto Rico patungo sa San Francisco via Atlanta kahapon, inilahad ng Pinoy crowd-drawer ang kanyang mga nasa isip para sa nalalapit na laban.

 "Magandang laban (Good fight)," ani Pacquiao, na komportableng nakaupo sa departure area matapos na basahin ang ilang pahina ng librong "Builder of Dreams" ni Antonio Meloto.

"Eto, ah, sasabihin ko sa inyo (This, I will tell you)," patuloy niya..

"Tatakbo sa akin yan. If I press the fight I'm sure he would run. At kapag naghintay naman ako, papasok yan (And if I wait, he'll come in)," anang reigning pound-for-pound champion.

Sa madaling salita, iniisip ni Pacquiao na maaaring bentahe niya ang kanyang bilis para abutan si Cotto at lakas para naman pabagsakin ito.

"Ganyan ang mangyayari, tumakbo man siya or pumasok siya, okay sa akin," wika ni Pacquiao,sa kanyang pre-game analysis na natigil nang maghiyawan ang mga Puerto Rican fans na nais magpakuha ng larawan kasama siya.

Mula sa mga pasahero hanggang sa airport personnel at maging ang mga pulis, lahat ay nais makalapit kay Pacquiao. May isa pang nagsabing, "I may be the only Puerto Rican rooting for you. Believe me. You're a great fighter."

Alas-3 na ng hapon at ilang oras na lang sina Pacquiao at Cotto ay nasa Centro de Bellas Artes de Caguas, sa gitna ng hometown ng WBO champion.

Ilan libong tao ang nasa loob ng sinehan at naghihiyawan habang dramatikong pumasok sina Pacquiao at Cotto.

Lahat ng mga pangunahing miyembro ng dalawang kampo kasama ang ilang opisyal ng Puerto Rico at ipinakilala ni Top Rank president Bob Arum.

Si Cotto na suot ang isang eleganteng brown suit ay nagsalita sa Espanyol habang si Pacquiao naman na naka-casual sa suot na white shirt at blue jeans ay nagsalita sa ingles.

Maging ang mga Puerto Ricans ay isinisigaw ang kanyang pangalan nang kunin nito ang mikropono at sinabing "I'm sure you will all root for Cotto because he's your countryman. But thank you for supporting me, too."

Show comments