Mabagsik pa rin ang kamandag ni Nietes
MANILA, Philippines - Sa ikatlong sunod na pagkakataon, muling nanatiling malakas ang ‘kamandag’ ni Donnie “Ahas” Nietes.
Ginamit ang kanyang matutulis na jabs at uppercuts, tinalo ni Nietes si Mexican challenger Manuel “Chango” Vargas via split decision para mapanatiling hawak ang kanyang World Boxing Organization (WBO) minimumweight belt kahapon sa 4,000-capacity na El Palenque de la Feria sa Nayarit, Mexico.
Umiskor ang 27-anyos na si Nietes ng 116-110 at 118-110 puntos mula sa dalawang judges para itaas sa 22-4-3 ang kanyang win-loss-draw ring record kasama ang 13 KOs, habang 116-112 ang natanggap ni Vargas (26-4-1, 11 KOs).
Naging sandata ng tubong Murcia, Bacolod City ang kanyang mga jabs at uppercuts para palayuin ang agresibong si Vargas sa fourth at fifth round.
Saglit na nahinto ang laban bunga ng low blow ni Vargas kay Nietes sa dulo ng round nine bago naging agresibo ang Filipino champion sa sumunod na tatlong round patungo sa kanyang panalo.
Sumasakay ngayon si Nietes sa isang 12-fight winning streak, habang ito naman ang kanyang pangalawang matagumpay na title defense sa Mexico matapos talunin si Mexican Erik Ramirez via unanimous decision noong Pebrero 28 sa Oaxaca, Mexico.
Bago biguin si Ramirez, pinabagsak muna ni Nietes si Nicaraguan Eddy Castro mula sa isang second-round KO noong Agosto 30, 2008 sa Cebu City.
Sa undercard, pinahinto naman ni Z “The Dream” Gorres (30-2-2, 17 KOs) si Cruz Carbajal (29-17-2, 25 KOs) sa huling dalawang segundo ng round six bunga ng left arm injury ng Mexican sa kanilang 10-round, non-title bantamweight fight.
Ito ang unang laban ni Gorres sa bantamweight division matapos kumampanya sa super bantamweight class. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending