MANILA, Philippines - Isang maigting na pagha-handa ang gagawin ng Philippine team para sa kanilang laban ng New Zealand sa Davis Cup Asia-Oceania Zone Group II third round tie na nakatakda sa Setyembre 18-20 sa Philippine Columbian Association tennis courts sa Paco, Manila.
Muling babanderahan nina Fil-Am netters Cecil Mamiit at Treat Huey ang national squad matapos pagbidahan ang 4-1 at 3-2 panalo kontra Hong Kong at Pakistan, ayon sa pagkakasunod, sa first at second round ties.
Ang 32-anyos na si Mamiit ay ang kasalukuyang No. 410 sa mundo, samantalang No. 1,008 naman si Huey.
Maliban kina Mamiit at Huey, kabilang rin sa koponan sina Johnny Arcilla at Elbert Anasta, ang RP No. 3 na nagpakitang gilas sa nakaraang PCA Open, habang tatayo namang alternate si junior player Jeson Patrombon.
Hindi makikita sa aksyon sina Patrick John Tierro at Francis Casey Alcantara, nakatuwang nina Mamiit at Huey sa nakaraang Davis Cup tie laban sa Hong Kong at Pakistan.
Kasalukuyang tinatapos ni Tierro ang kanyang pag-aaral sa De La Salle University kung saan siya isang graduating student, samantalang kumakampanya naman si Alcantara sa ilang juniors events sa United States hanggang Oktubre.
Ang panalo ng mga Filipino netters kontra Kiwis ang mag-aakyat sa bansa sa Group I ng Davis Cup na huling nangyari noong 2008 kung saan sila natalo sa Japan (0-5), Uzbekistan (2-3) at Kazakhstan (0-5) pababa sa Group II.
Ipaparada ng New Zealand, winalis ang Malaysia at Indonesia, 5-0, bago sagupain ang RP Team, ang kanilang mga bigating players na sina Daniel King Turner, G.D. Jones at ang magkapatid na Jose at Mikal Statham. (Russell Cadayona)