Pag-Amin ni Pacquiao, kung ngayon ang laban, may tulog ako kay Cotto
NEW YORK – Inamin ni Manny Pacquiao kahapon na kung lalabanan niya si Miguel Cotto ngayon ay matatalo siya.
“Kung ngayon ang laban talo tayo,” ani Pacquiao na bumiyahe ng 18-oras mula Manila dumaan ng Hong Kong patungo sa lungsod na ito na hindi natutulog, isang araw bago ang paglulunsad ng press tour kasama ang WBA welterweight champion mula sa Puerto Rico.
Gayunpaman, sinabi ni Pacquiao na kahit nauna na ng isang buwan sa pag-eensayo si Cotto, wala itong silbi pag-akyat nila ng ring sa Nov. 14 sa MGM Grand sa Las Vegas. Ang laban ay sa 145 lbs, ang pinakamababang timbang na lalabanan ni Cotto matapos ang mahabang panahon.
“Ganyan naman palagi. Nauuna mag-train ang mga kalaban,” ani Pacquiao na laging pinagkakaguluhan sa airport at kasama niya ang maliit na entourage ngayon para sa isang linggong biyahe.
Sinabi ni Pacquiao sapat na ang walong linggong training at umaasa siyang mapapabagsak niya si Cotto tulad ng nangyari kina David Diaz, Oscar dela Hoya at Ricky Hatton.
Dumating si Pacquiao sa JFK Airport sa New York pasado ala-una ng hapon at dumiretso sa Lowes Regency sa Park Avenue sakay ng itim na Navigator. Kasama niya ang advisers na sina Mike Koncz at Franklin Gacal at training assistant Roger Fernandez.
Makalipas ang ilang oras, dumating si Cotto mula sa Puerto Rico kasama ang kanyang conditioning coach na si Phil Landman, at titigil sa Le Parker Meridien.
Sinalubong siya ni Top Rank pointmen Ricardo Jimenez, Lee Samuel at Jim McConnon, at nasa mood ito di tulad ng pagod na si Pacquiao.
Nagbigay ito ng oras para kausapin ang mga Pinoy sportswriter na naghintay sa kanya.
Sinabi ni Cotto, champion ng 147 lb, na apat na linggo na siyang nagti-training at kahit tatlong beses na siyang nakipag-sparring, hindi siya madalas sa gym.
Ayon kay Jimenez ang training ay nangangahulugan ng morning runs at maraming conditioning exercises para painitin si Cotto.
“I’m taking some base for the hard weeks to come,” sabi ni Cotto na kasama si Landman habang naghihintay ng kanilang kuwarto.
Cool na cool si Cotto sa kanyang suot na long-sleeved shirt, tight pants, Ferragamo shoes at mala-king metal watch, at may dalang backpack.
Sinabi ni Cotto na okay lang sa kanya na hindi pa nag-eensayo si Pacquiao dahil aniya ay may kanya kanyang style ang mga boksingero.
- Latest
- Trending