MILAN, Italy – Sa kanyang ikalawang pag-akyat sa ring, hindi pinalad si lightwelterweight Genebert Basadre na mapabagsak ang kalaban na naging sanhi upang samahan nito ang kababayang si Joegin Ladon bilang audience habang magdedebut naman si lightfly Harry Tañamor at magbabalik sa ring si bantam Joan Tipon sa pagpapatuloy AIBA world boxing championships sa Mediolanum Forum dito.
Walang nagawang tama ang 25 anyos na si Basadre sa buong siyam na minuto ng three-round na laban at matalo sa puntos sa subok na at matatag na si Myke Clvaho ng Brazil, 3-10 upang maging ikalawang napatalsik sa five-man Team Philippines.
Naging madali ang laban ng two-time Olympian at three-time world championship veteran na Brazilian sa Pinoy na duguan ang ilong at dalawang beses tinigil ng reperi ang laban sa second round.
“Magaling sir. Ang lakas pa ng upper. Di kaya,’’ pahayag ni Basadre sa mga Filipino sportswriters, at inamin na ang karanasan at tikas sa ring ng Brazilian ay hindi niya nakayanan.
Dahil sa kabiguan, naiwan na lamang sina Tañamor, Tipon at featherweight Charly Suarez na magdadala ng Team Philippines sa ika-15th edisyon ng torneong ito na humatak ng 600 boxers mula sa record na 144 bansa.
Si Tañamor, ang pinakamaningning na pag-asa ng bansa sa torneo kung saan nagwagi ito ng silver medal noong 2007 sa Chicago, ay aakyat sa ring sa pagha-ngad niyang makasama sa round of 16 slot kontra sa isa sa nirerespetong light flyweights sa Europe.
Ang pangalan ay Hovhanncs Danielyan, na isa sa tinatagurian na pinakamahusay sa kontinente makaraang igupo si Jose dela Nieve ng Spain, 7-6 sa finals ng European Elite championships noong nakaraang taon sa Liverpool, England.
Ngayong Linggo ng umaga, aakyat naman sa ring para sa ikalawang round si Tipon laban kay Abdehalim Ouradi ng Algeria, na ang magwawagi ay makakasama sa round of 32 ng naturang division na tinatampukan ng 55 boxers.