Tipon wagi, Ladon bigo
MILAN –-- Nanalo ng dalawang puntos lamang si bantamweight Joan Tipon sa hilaw pang Sri Lankan at tulad ng inaasahan ay bumagsak si lightweight Joegin Ladon sa bigating Briton sa kampanya ng Team Philippines nitong Miyerkules ng gabi sa 15th AIBA World boxing championships dito.
Tinalo ng 27-gulang na si Tipon ang dating sparring partner na si Kamai Gamathiralalage 8-3, kung saan kinailangan niya ng matinding third round tungo sa panalo at makausad sa round-of-32 kung saan naghihintay ang mapanganib na si Abdelhaim Ouradi ng Algeria.
Ngunit nabahiran ng pagkatalo ang kampanya ng mga Pinoy boxers nang yumukod si Ladon sa mas matangkad na si Thomas Stalker ng England, 4-11 na siyang unang nasibak sa five-member RP squad.
Sunud-sunod na suntok ang pinatama ni Tipon, former Asian Games champion na muntik nang magretiro nang bumagsak ang kanyang career, sa third round para makalamang sa kalaban matapos ang dikitang labanan.
Inaasahang mahihirapan naman si Tipon sa pakikipagharap sa Algerian na si Qurado na dinomina ang kalabang si Matias Mandiangan ng Indonesia, 16-3.
Susunod na sasabak si two-time Olympian at ang inaasahang si Harry Tanamor laban kay Armenian Hoyhannes Danielyan sa round-of-32 ng light-fly division.
Hindi naging magandang panoorin ang laban ni Ladon na di nakakonekta ng disenteng suntok at nabaon sa 0-8.
Nakakuha lamang ng puntos si Ladon nang bawasan ng puntos ng referee ang mas malaking kalaban dahil sa panununtok na naka-open gloves.
Sasabak naman si featherweight Charly Suarez sa Sept 3 (Milan time) sa Day 5 ng tournament na nilahukan ng mahigit 600 boxers mula sa record field na 144 nations na naglaban-laban sa 11 weight divisions.
Makakalaban ni Suarez si Romanian Julian Stan sa Mediolanum Forum at kinabukasan sasabak naman si Basadre kay Brazilian Myke Carvahopara sa Philippine team na suportado ng Philippine Sports Commission sa ilalim ni chairman Harry Angping katulong ang Smart Pinoy, subsidiary ng Philippine Global Corp.
- Latest
- Trending