Viloria kampeon pa rin
MANILA, Philippines - Bagamat umabot sa 12 rounds, naging kuntento pa rin si Brian “The Hawaiian Punch” Viloria para sa kanyang unang pagdedepensa sa suot niyang International Boxing Federation (IBF) light flyweight crown.
Tinalo ng 28-anyos na si Viloria si Mexican challenger Jesus “Azul” Iribe via unanimous decision sa nahakot na 118-110, 117-112 at 117-111 puntos sa lahat ng tatlong judges kahapon sa Blaisdell Center sa Honolulu, Hawaii.
“He took a lot of great shots from me...He gave me a good fight. He adjusted to my combinations,” wika ni Viloria sa kanilang laban ni Iribe na nabalian ng kanang kamay sa gitna ng kanilang 12-round championship fight. “I pretty much had fun in the fight.”
Sa kabila ng paglaban sa labas ng Mexico sa kauna-unahang pagkakataon, nakipagsabayan pa rin si Iribe, nakatanggap ng ilang kumbinasyon sa solidong kanan mula kay Viloria.
Itinaas ni Viloria, isini-lang sa Hawaii at ang mga ninuno ay tubong Ilocos Sur, sa 26-2-0 ang kanyang win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs kumpara sa 15-6-5 (9 KOs) slate ni Iribe.
Ang nasabing IBF light flyweight belt ay inagaw ni Viloria kay Mexican Ulises ‘Archie’ Solis via 11th-round TKO noong Abril 19 sa Araneta Coliseum.
At kung mayroon mang tao na muling gustong makalaban ni Viloria, miyembro ng U.S.Team sa 2000 Olympic Games, ito ay ang kasalukuyang World Boxing Council (WBC) light flyweight king na si Mexican Edgar Sosa.
Sa iba pang resulta, parehong sumuntok ng unanimous decision sina bantamweight AJ ‘Bazooka’ Banal at light welterweight Dennis Laurente sa kani-kanilang Mexican rivals.
Umiskor si Banal (20-1-1, 15 KOs) ng 99-92, 98-91 at 98-92 para talunin si Jose Angel Beranza (32-15-2, 25 KOs), habang tumipa si Laurente (31-3-5, 16 KOs) ng 100-90, 100-90 at 99-91 kontra kay dating world title challenger Zaid ‘El Exterminador’ Zavaleta (18-5-2, 11 KOs). (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending