MANILA, Philippines - Kinumpirma na kahapon ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang pagtataya ni Miguel Angel Cotto ng Puerto Rico ng kanyang hawak na world welterweight title laban kay Filipino boxing superstar Manny Pacquiao.
Sinabi ni Arum sa Examiner.com na naplantsa na ang lahat ng detalye hinggil sa pagiging world title fight ng naturang 145-pound catchweight bout nina Pacquiao at Cotto sa Nobyembre 14 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
“Everything has been decided and agreed to,” ani Arum. “Cotto is defending the title and the weight limit be 145 pounds. There are no disagreements or problems. Now, everything is cleared up.”
Matatandaang nagmatigas si Cotto sa pagtataya ng kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown bunga ng naunang kasunduan nila ni Arum na hindi kasama sa usapan ang kanyang titulo.
Inaasahan ng 77-anyos na si Arum na pormal na magkakapirmahan ng fight contract ang 30-anyos na si Pacquiao at ang 28-anyos na si Cotto ngayon.
Nakatakda namang umpisahan ng MGM Grand ang pagbebenta ng tiket sa Agosto 17.
“Siyempre, masaya si Manny sa sinabi ni Bob Arum na itataya ni Cotto ‘yung welterweight title niya,” wika naman ng Filipino promoter ni Pacquiao na si Rex “Wakee” Salud. “Siguro sa first week ng September magsisimula na si Manny ng training niya.”
Ipinanukala naman ni Sol Kerzner, isang South African businessman at kaibigan ni Arum, na magsa-nay si Pacquiao sa kanyang Atlantis Resort sa Nassau, Bahamas.
Maliban sa Bahamas, ikinunsidera na rin ni Pacquiao na magsanay sa Vancouver, Canada at Mexico, habang mas gusto naman ni trainer Freddie Roach na magtayo ng training camp sa Baguio City.
Dinadala ni Pacquiao, naghari na sa flyweight, super bantamweight, super featherweight, lightweight at light welterweight divisions, ang 49-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 37 KOs, habang may 34-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 27 KOs kum-para sa 49-3-2 (37 KOs) card naman si Cotto. (Russell Cadayona)