MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagluluksa ng buong bansa sa pagkamatay ng dating Pa-ngulong Corazon Aquino, aalis ngayon ang Powerade Team Pilipinas upang ituloy ang kanilang mithiin sa 2009 FIBA-Asia championship sa Tianjin, China.
Naniniwala ang Nationals na kasama nila ang espiritu ni Mrs. Aquino sa kanilang pakikibaka sa Asian meet sa pag-asinta nila ng tiket para sa world championship sa Turkey sa susunod na taon.
At pakiramdam nila ibinigay ng iconic leader ang basbas na ito sa pamamagitan ng kanyang manugang na si James Yap bago ito yumao.
Ayon kay Yap, hiniling ng kanyang biyenan sa pamamagitan ng kanyang maybahay na si Kris na huwag abandonahin ang RP team anuman ang mangyari.
“I had thought of backing out of the team with Kerby (Raymundo) when we’re having a hard time attending double practices (with Purefoods and the RP team). It was Mom Cory, through Kris, who told me not to do it. She said I have to serve the country,” wika ni Yap.
Makikipaglibing ang Purefoods top gun na si Yap sa Miyerkules at sa sumunod na araw ay susunod na ito sa Tianjin.
“I wish Powerade Team Pilipinas a safe and pleasant trip. I join the whole nation in wishing them well and in praying for their success in the games as well as for their remaining healthy, free from injury, during the tournament,” pahayag naman ni PBA commissioner Sonny Barrios.
Ang Powerade-RP, ang huling all-PBA selection na kakatawan sa bansa sa international competition, ay makakasagupa ang Sri Lanka sa ganap na alas-9 ng umaga ng Huwebes.
Ayon kay RP coach Yeng Guiao, inaanak sa kasal ni Mrs. Aquino, na realistic sila sa tsansang makakapasok sa quarterfinals ngunit kailangan pa rin ang breaks at swerte para higit na mas mataas ang maabot.
“We have a pretty good chance of beating all the teams in our bracket, except probably for Iran. But it would be rough sailing in the next phase whoever we play there,” ani Guiao
Kapag nakarating sila sa quarters, malamang na makalaban nila ang alinman sa China, Jordan, Lebanon, Qatar at Kazakhstan.
At para makarating dito, kailangang magtapos sa Top Four sa kanilang bracket kung saan kagrupo nila ang Iran, Korea, Japan, Sri Lanka, Chinese-Taipei, Uzbekistan at Kuwait.
Pagkatapos ng debut kontra sa Sri Lanka sa Huwebes isusunod naman ng Nationals ang Japan sa Biyernes at Korea sa Sabado.