Morial, NCAA Player of the Week

MANILA, Philippines - Dahil sa pinakitang pambihirang galing sa huling dalawang laban, walang duda na karapat-dapat hiranging Player of the Week ng ACCEL/ Fil-Oil NCAA Press Corps si Jeffrey Morial ng College of St. Benilde Inspirado sa araw ng kanyang kaarawan, bumandera ang 23-anyos na Blazer sa pagbitbit sa tropa nito sa unahan. 

“Jeff made a great game for the past two games. It’s a great birthday gift for himself. These guys, I told them to play as if the season was on the line. Parang, practically it was,” anang Blazers coach Richard del Rosario matapos patumbahin ang Arellano University Chiefs sa iskor na 117-107 noong Biyernes.

Humablot ng kanyang umaatikabong 31 point at 10 rebounds si Morial upang sikwatin ang ikalima nilang panalo sa loob ng walong laban. Hindi nagpaawat, mas pinalakas nito ang pwersa nang harapin ang Emilio Aguinaldo College. Naglista ng kanyang season at personal high na 32 points, nawasak na ang paghaha-ngad ng Generals na manalo nang mabaon ito sa 73-78.

Rumatsada sa pag-iskor, nagpakawala ng apat na tres si Morial para payukurin ang Chiefs, 26.7 segundo ang nalalabi kung saan nakahanap ng oportunidad ang Blazers para maiabante sa 113-105 ang iskor kontra Chiefs.

Sanhi ng pinamalas na performance, nahahanay na si Morial sa iba pang mga magagaling na manlalaro na kinilala ng Accel at Fil-Ooil tulad nina Jose Rizal’s John Wilson, at Jimbo Aquino ng San Sebastian. (Sarie Nerine Francisco)


Show comments