MANILA, Philippines -Tulad ng isang maba-ngis na leon, pinakawalan ng three-peat champion San Beda College ang kanilang rumaragasang running game nang paluhurin ng Red Lions ang Emilio Aguinalo College, 95-71 at manatiling nasa ikatlong puwesto sa 85th NCAA basketball tournament na nagpatuloy sa The Arena sa San Juan City, kahapon.
Binanderahan ni Garvo Lanete ang kanyang koponan sa nailistang 18 puntos at sinuportahan din nina Sudan Daniel, Bam Bam Gamalinda, Dave Marcelo at Jake Pascual na naglista ng 14, 13, 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod, upang lasapin ng Lions ang ikalimang sunod na panalo sa anim na asignatura at naglapit sa kanila sa lider na San Sebastian College at Jose Rizal University na may malinis na 6-0 baraha.
Walang nagawa ang naitalang 25 produksiyon ni Argel Mendoza para sa Generals na hindi nakayanang tapatan ang lakas ng Lions at lasapin ang ikalimang kabiguan.
Sa naunang sultada, sumandal ang College of St. Benilde sa kanilang kapitan na si Jeff Morial nang malusutan ng Blazers ang Arellano U, 117-107, sa triple overtime kahapon. Umuusok ang mga kamay ni Morial na naglista ng game-high na 31 puntos na pinalamanan ng apat na tres, dalawa upang ipuwersa ang unang overtime at isa naman para sa isa ikatlong overtime bago itira ang isa pang tres na nagselyo naman ng panalo ng Blazers at manatili sa ikalimang posisyon sa 4-4 win-loss baraha.
Isang kahanga-ha-ngang performance ito para kay Morial, ang limang taong beterano, na umusok ang career-high 32 puntos sa 73-78 kabiguan sa Emilio Aguinaldo College noong nakaraang linggo, na nagdiwang ng kanyang ika-23rd kaarawan.
“It was a nice way to celebrate his (Morial) birthday, with a great effort and a victory,” ani CSB coach Richard del Rosario, na ang tatlong overtime ang kanyang pinakamabahang laro.
Ang panalo ay nagpuno din sa pagkawala ni Robbie Manalac, na namamaga ang kanang paa sanhi ng gout, at ang pares nina Chuck Dalanon at Jan Tan, na suspindido ng isang laro sa pagkakasangkot sa bench-clearing incident noong nakaraang laban.
“I told the players to overcome adversity, they responded to the challenge,” ani del Rosario.
Sa juniors division, pinataob ng St. Benilde Junior Blazers ang Arellano, 88-65, habang pinaglaruan naman ng SBC Red Cubs ang EAC, 154-52. (Sarie Nerine Francisco)